Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Salamat mahal kong guro!

0 105

Teacher’s month ngayon kaya nararapat lang na bigyang pugay at pagkilala ang mga bayani sa virtual classroom – sina Ma’am at Sir!

Hindi biro ang trabaho ng mga guro ngayong nasa gitna ng pandemya ang buong mundo. Kahit hirap makipagsabayan sa online mode of teaching, sinisikap ng mga guro na maihatid sa mga estudyante ang leksyon na dapat nilang matutuhan.

Iba ang stress at pressure na hatid ng virtual teaching. Hindi lang mga mag-aaral ang nag-aadjust sa learning modality na ito, higit lalo ang mga guro. Kailangan nilang mag-isip ng iba-ibang paraan para maging exciting at enjoyable ang kanilang pagtuturo.

Maiksi ang attention span ng mga bata sa online classes. Marami kasing distractions. Dahil nasa loob ng bahay, posibleng ‘preoccupied’ ang isip nila ng ibang bagay. Baka may inuutos sina Nanay at Tatay. Posible rin namang nagtatrabaho ang estudyante on the side kaya hirap i-manage ang oras.

May ilang eskuwelahan na nagre-require na naka-open cam ang mga estudyante. Pero marami ang hindi. ‘Yan ang masaklap sa parte ng mga teacher. May kausap ba talaga siya o baka naman nagsasalita lang siyang mag-isa. Worst, baka nag-join lang ang estudyante sa virtual class pero sa totoo lang, tulog naman pala.

Gaya ng karaniwang tao, hindi rin ligtas sa banta ng Covid-19 sina Ma’am at Sir. Kahit pa online ang learning modality, hindi pa rin nila maiwasang hindi bisitahin o pasyalan para kumustahin ang kanilang mga estudyante na madalas lumiban sa klase. Sila rin ang pumopronta sa pamamahagi ng modules. Ganyan sila ka-dedicated sa trabaho. Susuungin ang panganib maihatid lang ang leksyon sa mga bata. Ang ilan nga sa kanila, kasama sa bilang ng libu-libong Pilipinong hindi nakaligtas sa nakamamatay na virus.

Madalas pang paluwal sina Ma’am at Sir. Ngayong online ang mode of teaching, sagot nila ang internet connection. Suwerte sa ibang schools na nagbibigay ng additional allowance para sa wifi expense. Pero paano sa iba na wala? Marami rin akong kilalang kapwa ko guro na nagbibigay ng tulong pinansyal sa kanilang mga mag-aaral na salat sa pera, lalo na ngayong marami ang nawalan ng trabaho.

Kulang ang espasyo sa column na ito kung iisa-isahin natin ang kabayanihan ng mga guro, higit lalo ngayong may Covid-19 pandemic. Ang nakapanlulumo, hindi sila nabibigyan ng sapat na pagkilala at tamang atensyon mula sa pamahalaan. Wala tayo sa propesyon o estado natin ngayon kung wala silang mga guro. Malaking bahagi natin sa kasalukuyan, nagmula at dahil sa kanila.

Kahit magmukha akong sirang plaka, paulit-ulit kong pasasalamatan ang mga naging guro ko mula pre-school hanggang graduate school. Wala po ako, kung hindi kayo nagtiyagang turuan at gabayan ako noong ako’y nag-aaral pa. Salamat, mga Ma’am at Sir!

Leave A Reply

Your email address will not be published.