Abante Tonite Interactive

Salamat naman sa total ban

378

Isa ako sa natuwa dahil sa ipinatupad na deployment ban ng gobyerno sa pangu­nguna ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga mangagawang Pinoy sa Kuwait at Iraq.

Sa bisa ng pinirmahang resolusyon ng Philippine Overseas Employment Admi­nistration (POEA) Governing Board sa pangunguna ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ay ipinagbabawal na ang pagtatrabaho ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait.

Gayundin ang inilabas na POEA Board Resolution No. 2020-2 kung saan ay bawal na ang magproseso at magpadala ng mga OFW sa Baghdad matapos itaas sa level 4 ng Department of Foreign Affairs ang alert level sa Iraq.

Mabuti naman at umaksyon na ang pamahalaang Duterte sa usaping ito.

Sa matinding pa­nganib na naghihintay sa mga kababayan natin sa Kuwait at Iraq talaga namang napapanahon na para ipagbawal ang pagpunta nila sa nasabing mga bansa para magtrabaho.

Napakarami ng masasakit na kuwento na inabot ang mga kababayan natin sa Kuwait at Iraq at sapat na ito para ibawal ang pagtatrabaho ng mga Pinoy sa nasabing mga bansa.

Kaya sa mga apektado nating kababayan huwag kayong manghinayang sakaling hindi kayo natuloy na magtrabaho sa Kuwait o Iraq dahil tiyak na mas may magandang oportunidad na naghihintay sa inyo.

Hindi katulad sa mga bansang nabanggit na walang pagpapahalaga sa buhay ng mga dayuhan nilang mga manggagawa.

Ang panawagan ko naman sa pamahalaan sa puntong ito ay tulungan ang mga kababayan nating maaapektuhan ng total deployment ban.

Bigyan sila ng nararapat na hanapbuhay kung mayroon at bigyan sila ng prayoridad sa mga trabaho sa bansa kesa sa mga dayuhan ibigay.