Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Salamat PNP Chief!

0 322

Sa susunod na linggo na opisyal na magreretiro sa serbisyo si PNP Chief Police General Guillermo Eleazar. Isa ang lalawigan ng Cavite sa mga huling inikutan niya isang linggo bago ang kanyang official retirement sa November 13.

Kasama ang Tanza sa mga lungsod at bayan sa Cavite na binisita ng heneral. Sa Tanza Municipal Police Station siya dumerecho kung saan siya sinalubong nina Mayor Yuri A. Pacumio at Hepe ng Tanza PNP na si Lieutenant Colonel Salvador Solana.

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Eleazar ang mga pulis Tanza sa pagtulong sa lokal na pamahalaan na masugpo ang Covid-19. Kasama na rito ang pagbabantay noong kasagsagan ng ECQ sa probinsya kung kailan mahigpit ang pagpapatupad ng lockdown.

Sa Tanza, 50 na lang ang latest count ng Covid-19 active cases. Magandang senyales daw ito na umeepekto na ang immunization efforts ng gobyerno.

Ayon kay Eleazar, ‘Dahil sa magandang vaccination program natin, pati na rin sa pagpapatupad natin ng health protocols sa pangunguna ninyo kasama ang ating LGU, nakita natin ang magandang resulta ng pagbaba ng covid-19 situation’. 

Malaki rin daw ang ibinaba ng kaso ng Covid-19 sa hanay ng mga pulis. Umabot ng 3,200 noon. Pero ngayon, higit 400 na lang ang active cases sa hanay ng PNP.

Sa lalawigan ng Cavite, wala nang naitalang Covid-19 case sa mga pulis. Bagay na ikinalugod ni Eleazar.

Ayon sa kanya, ‘Ako’y natutuwa na sa ating municipal police station, for that matter, sa buong Cavite Provincial Police Office, ang mga pulis natin sa Cavite, wala tayong active case ngayon.’ 

Sa kabila ng patuloy na pagbaba ng kaso ng Covid-19 sa buong bansa, hindi raw dapat pakampante, ayon kay Eleazar.

Hinamon din ng heneral ang mga pulis Tanza na patuloy na sumunod sa umiiral na health protocols para manatiling ehemplo sa mga residente.

Ani Eleazar, ‘Tayo pa rin ang magsusulong, magpapatupad ng mga protocols na ito, inaasahan natin ang inyong pagsunod dito dahil tayo ang nagpapatupad nito and at the same time protection sa ating pamilya’.

Magsisimula raw ang paglaban sa pandemya sa pagpapanatili ng kalinisan sa mga opisina. Kaya ‘yan ang binigyang-diin ni Eleazar sa pagbisita niya sa Tanza.

Ang pagiging malinis, hindi lang daw sa pisikal na anyo kundi maging sa mismong hanay ng mga empleyado.

Huwag daw mag-atubiling isumbong sa kinauukulan kung may mga pulis na hindi kanais-nais ang Gawain at sangkot sa mga iligal na aktibidad.

Ang alingasngas, papasukin din daw ng heneral ang mundo ng pulitika. Kung anong puwesto ang kanyang tatakbuhin sa Eleksyon 2022, hindi pa malinaw sa ngayon. 

Leave A Reply

Your email address will not be published.