Abante Tonite Interactive

Salamat po, mahal naming guro!

By
0 119


Kung sina Mommy at Daddy ang nagsilbing mga unang guro natin sa taha­nan. Sina Ma’am at Sir naman ang tumayo sa atin bilang ikalawang mga magulang. Sa paaralan tayo natutong bumasa, sumulat at higit sa lahat, makihalubilo sa kapwa. Lahat ng ‘yan naisakatuparan sa tulong nina Ma’am at Sir.

Ni sa hinagap hindi ko naisip na mapapasok ako sa academe. Magwawalong taon na rin akong nagtuturo sa kolehiyo.

Ngayon ko nararamdaman ang sakripisyo at pagod ng mga guro ko noon mula elementary hanggang magtapos ako ng college. Kaya pala sila istrikto dahil may gusto silang ipunto. Kaya pala ako nasisita dahil gusto nila akong itama.

Minsan na rin akong sumuko sa dami ng mga gawain sa eskuwela. Naisip ko – inaasar lang ba tayo nina Ma’am at Sir?

Buti na lang naging matatag ako. Ginampanan ko ang responsibilidad bilang estudyante. Hindi ako sumuko. Bakit ako susuko? Kung sina Ma’am at Sir nga, hindi tayo sinukuan. Tayo pa kayang mga estudyante nila?

Ipinagdiriwang natin ngayon ang Teacher’s Month (September 5 – October 5) – panahon para bigyang pugay at pagkilala ang isa sa mga tinaguriang bayani ng makabagong henerasyon, sina Ma’am at Sir!

Hindi naman kailangang magregalo sa mga guro para iparamdam ang ating pasasalamat. Simpleng thank you, sapat na! Huwag ka na lang ding maging sakit sa ulo sa klase, tiyak na matutuwa na sina Ma’am at Sir. Kung minsan kasi, imbes makatulong – lalo lang nating ini-stress ang ating mga guro.

Bilang estudyante, responsibilidad nating mag-aral nang mabuti. Sigurado akong magagalak sina Ma’am at Sir kapag lagi kayong nag-aaral at gumagawa ng asignatura. Iwasan din ang pagliban sa klase. Huwag ding magpapa-late. Higit sa lahat, huwag mangongopya. Umiikot ang mga mata ng guro tuwing may pagsusulit.

Saulo ko pa ang pangalan ng mga naging adviser ko noong elemen­tary hanggang highschool: Kinder – Miss Corpuz (+), Grade 1 – Mrs. Pareja, Grade 2 – Mrs. Pactoranan, Grade 3 – Mrs. Dazo, Grade 4 – Miss Luna (+), Grade 5 – Miss Arendela, Grade 6 – Mrs. Goodfellow, 1st year – Miss Briones, 2nd year – Miss Prudente, 3rd year – Mrs. Lagos at 4th year – Miss Murania. Too many to mention kung isasama pa ang college professors. Pero mind you, kaya kong isa-isahin ang pangalan nilang lahat.

Kayo ba, tanda at kilala n’yo pa ang mga naging guro n’yo? Take time to message and thank them. With the advent of technology, malamang nasa Facebook din sila. Madali na ang means of communication ngayon. Kaya walang rason para hindi sila maalala at pasalamatan. Tandaan, wala ka sa kinalalagyan mo ngayon kundi rin dahil sa kanila.
Sa lahat ng mga guro, salamat po!