Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Salamat Pres. Duterte, Ayalas, DOH, DBM at YouGov

0 143

Taos-puso akong nagpapasalamat sa British market research and data analytics firm YouGov. Naglabas ito kelan lang ng listahan ng ‘Most Admired Men and Women in the Philippines in 2020’ batay sa resulta ng pag-aaral na ginagawa nito taon-taon, kung saan napabilang ang inyong lingkod.

Napaka-‘humbling’ po ng biyaya at pagkilalang ito, lalupa’t tayo po ay sa pumangatlo kina Pangulong Rodrigo Roa-Duterte na talaga namang karapat-dapat sa pagunguna sa listahan, na sinundan ni ‘Pambansang Kamao’ Manny Pacquiao na ngayon ay isa sa mga pinakamasipag nating Senador.

Congratulations kay President Duterte at Senator Pacquiao at siyempre pa, sa ‘most admired’ na mga Pilipinang sina actress-philanthropist Angel Locsin, na sinundan ayon sa pagkakasunod-sunod sa listahan, nina Miss Universe 2019 Catriona Gray, singer-actress Sarah Geronimo, Liza Soberano, Marian Rivera at Vice President Leni Robredo.

Mula sa kaibuturan ng aking puso,salamat sa YouGov para sa patunay ng ‘appreciation’ sa aming mga ginagawa sa pamahalaang-lungsod, partikular na sa hanay ng mga mamamayan ng Maynila.

Tinitiyak kong gagamitin ko ang pagkilalang ito bilang inspirasyon upang higit pang pagbutihin ang pagsisilbi sa mga taga-Maynila at iangat ang antas ng kanilang pamumuhay.

Marami kaming dapat ipagpasalamat sa linggong lumipas hindi lamang dahil sa nasabing pagkilala mula sa YouGov kundi maging sa matagumpay na pagbubukas ng ikalawang RT-PCR 9 (real time-polymerase chain reaction) molecular laboratory sa Sta. Ana Hospital.

Kasama ang mga pinakamatataas na opisyal ng Ayala Corporation na sina president and chief operating officer Fernando Zobel de Ayala at chairman and chief executive officer Jaime Augusto Zobel de Ayala, Vice Mayor Honey Lacuna at Sta. Ana Hospital director Dr. Grace Padilla, aming ginawa ang isang simpleng ribbon-cutting ceremony para pormal na buksan ang nasabing laboratory na may kapasidad na mag-swab test ng may 1,000 katao kada raw. Ang unang laboratory sa ikalawang palapag ng Sta. Ana Hospital ay may kakayanang mag-test ng 200 hanggang 250 katao kada araw.

Sa mga Zobel de Ayala, ang aming taos-pusong pasasalamat sa pagbalikat ng mga gastusin para sa nasabing laboratoryo. Siyempre pa, gaya ng palagian kong sinasabi, kami po ay nagpapasalamat din nang husto kay Pangulong Duterte, sa Department of Health at Department of Budget Management sa kanilang suporta sa aming mga pagsisikap na labanan ang COVID-19.

SM food to go Banner Ad

Ang mga bagong makina sa ikalawang laboratory sa ground floor ng Sta. Ana Hospital ay may kakayanang magsagawa ng 90 kada oras at ang proseso ay mas mabusisi kaysa sa unang laboratory dahil matapos ma-extract ang virus, ito ay sasailalim sa ‘amplification’ at iba pang proseso bago basahin ng PCR machine. Sa unang laboratory, ang sistema ay parang one-stop shop kung saan ang tanging dapat gawin ay ilagay ang specimen sa isang cartridge at ipasok ito sa makina na siyang babasa nito.

Ang ‘turnaround time’ o oras kung saan ang buong proseso at resulta ay matatapos ay pareho lamang sa parehong laboratoryo.

Matapos buksan ang bagong laboratoryo ay nagpalabas ang inyong lingkod ng executive order na nag-aatas kay Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold ‘Poks’Pangan upang magsagawa ng libreng swab testing para sa mga empleyado ng mall, hotel, restaurant, supermarket, mga manininda sa public markets gayundin sa mga driver ng e-trikes, tricycles, pedicabs, jeepneys at buses.

Naniniwala ako na upang mapawi ang takot sa COVID-19, kailangang tiyakin sa publiko na ang mga kawani ng mga madalas na puntahang establisimiyento ay ligtas sa COVID-19 upang gumana ang economic activities.

Upang maabot ang layuning ito nang hindi na makadagdag pa sa paghihirap ng business sector, kailangang bigyan ang mga kawani ng mga establisimiyento ng libreng RT-PCR testing bilang hakbang ng pamahalaang-lungsod na balansehin ang kalusugan at ekonomiya para sa kapakanan ng mga Manileñyo.

Ang Business Promotion and Development Office, Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ay ating inatasang makipag-ugnayan sa MHD para sa pagbalangkas ng mechanics upang maayos na maipatupad ang nasabing libreng swab testing at upang tiyakin na ang mga establishment na nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa ay pasusulatin sa ‘mandatory health declaration forms’ para sa contact tracing.

Muli, ako ay nananawagan sa publiko, lalo na sa mga taga-Maynila, na patuloy na gawin ang mga protocol na iniatas ng health authorities upang maging ligtas sa COVID-19. Lahat ng pagsusumikap ng pamahalaan ay hindi magtatagumpay kung walang pakikiisa ng mga mamamamayan mismo.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.