Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Salamat sa mga nagtaguyod ng DMW

0 49

Noong Rizal Day, opisyal na nilagdaan bilang batas ang Department of Migrant Workers (DMW) na isa sa mga ipinangako nina Pangulong Rodrigo Duterte at ni dating Speaker Alan Peter Cayetano nang sila ay tumakbo bilang pangulo at pangalawang pangulo noong 2016 elections.

Sa pamamagitan ng DMW, magkakaroon ng isang kalihim na siyang tututok sa mga programa ng pamahalaan para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at mabilis ding magtutugunan ang pangangailangan ng mga kababayan natin na itinuturing na makabagong bayani ng bansa.

At sa pagkakapasa nito, may dahilan para magdiwang si Cayetano dahil isa siya sa totoong nagpursige para ito maging ganap na batas. Noong Mayo 4, 2017 bago nahirang na kalihim ng Department of Foreign Affairs, pinangunahan ni Cayetano ang paghahain ng panukalang batas para maisulong ang DMW. Ipinaglaban niya na magkaroon ng isang ahensya ang gobyerno na nakapokus lamang sa mga problema at hinaing ng mga OFWs.

Nang hindi ito naisabatas, inihain muli ni Cyaetano noong 2019 ang House Bill No. 5832 na naipasa Kamara noong Marso 2020 sa ilalim ng kanyang liderato bilang House Speaker. Layon ng panukalang batas na isinulong nina Cayetano ang paglikha ng isang Department of Overseas Filipino Workers and Foreign Employment na tutugon sa mga lahat ng pangangailangan ng OFWs.

Bago mag-Pasko ay inaprubahan ng Senado ang panukalang batas sa pangunguna ni Senator Joel Villanueva at mismong araw ng Pasko ay inaprubahan naman ito ng Kamara. Bago nagtapos ang taon, naging ganap na batas ang DMW at talagang isinakto ang paglagda nito sa Rizal Day bilang pagkilala sa kabayanihan ng mga OFWs na isa sa mga pangunahing tagasagip ng ekonomiya ng bansa.

Ang DMW ay isang magandang aginaldo para sa mga kababayan nating OFWs kaya naman matindi ang pasasalamat ni Cayetano na isa sa mga pangunahing nagpursige ng pagsasabatas nito. Sabi nga ni Cayetano, ang pagkakaroon ng DMW ay maghahatid ng bagong pag-asa para sa mga OFWs na nagtiis malayo sa kanilang mga pamilya para maiangat ang kanilang mga buhay pati na ang pambansang ekonomiya.

Ngayong meron nang DMW, may sarili nang budget ito na puwedeng gamitin para sa kapakanan ng mga OFWs. Pagsasamahin ang mga tungkuling ginagampanan ng Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) National Reintegration Center, Department of Foreign Affairs (DFA) Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs, Department of Social Welfare and Development (DSWD) International Social Services Office, at ng Commission on Filipino Overseas ng Office of the President at pangangasiwaan ito ng isang kalihim na walang ibang pokus kundi isulong ang kapakanan ng mga OFWs.

Sa bawat krisis na mararanasan ng isang OFW, may kalihim nang kikilos at may pondo nang laan para mabilis na matugunan ang mga problema. Sa wakas, hindi na pagpapasa-pasahan ng iba’t ibang ahensya ang ating mga kababayang OFWs.

Makakahinga na nang maluwag ang mga OFWs na may mga alalahaning kinakaharap sa mga bansang kanilang kinaroroonan. Kaya naman alam naming abot-abot ang kanilang pasasalamat sa mga nagtaguyod ng batas na para sa kanila tulad ni Cayetano na ngayon ay tumatakbong senador.

Si Cayetano ay lalong napalapit nang husto sa mga OFWs nang maging kalihim ito ng DFA kung saan pinadagdagan nya ang pondo para sa Assistance to National Fund at Legal Assistance Fund para sa nagkakaproblemang kababayan sa ibang bansa. Inayos din niya ang sistema at pinabilis ang proseso ng passport application sa DFA kung saan pangunahing nakinabang ang mga OFWs.

Kaya naman hindi na kami nagtaka nang sa katatapos na Pulse Asia survey ay isa sa mga nangunang senatorial candidate si Cayetano. Alam na ng mga kababayan natin kung sino-sino ang mga kandidatong tunay na nagmamalasakit sa kanila kaya sa darating na halalan, hindi na sila mahihirapang pumili ng mga taong pagtitiwalaang iluklok sa puwesto.

Leave A Reply

Your email address will not be published.