Abante Tonite Interactive

Salamat sa pagkilala PUP-CoEd

0 245

Una sa lahat, nais kong pasalamatan, mula sa kaibuturan ng aking puso, ang Polytechnic University of the Philippines-College of Education (PUP-CoEd) sa katangi-tanging pagkilala na kanilang iginawad sa inyong lingkod nitong nakaraang Biyernes lamang.

Bilang produkto rin naman ng pampublikong paaralan mula pa elementarya, tala­gang tiniyak ko ang aking pagdalo sa okasyon ng ika-10 anibersaryo ng PUP-CoEd, kesehodang umuulan nang araw na iyon.

Talaga namang lubos kong ikinalulugod ang napakainit na pagtanggap sa akin ng mga estudyante ng PUP bilang guest speaker sa nasabing okasyon, lalo na nang mapag-alaman ko na ang ibinigay pala nilang award sa akin, ang ‘Gawad Uliran at Respetadong Opisyal (GURO) ng Bayan’, ay kauna-unahan sa kasaysayan ng PUP.

Nasabi sa akin na ngayon lang nagbigay ng ganitong uri ng parangal o award ang PUP at ang inyong lingkod ang siyang mapalad na una nilang binigyan ng ganitong pagkilala.

Tunay na nakakataba ng puso nang basahin sa mikropono ang mga nakasaad sa medalya at plake, kung saan ang pagsasalarawan sa atin ay bilang ‘epitome of a genuine public servant’, ‘great model for future educators’ at nabanggit din bilang basehan ang ‘outstanding accomplishments and exemplary leadership as the new mayor of Manila’.

Sa totoo lang, buong pagpapakumbaba kong aaminin na sa kabila ng kaliwat’ kanang pa­puri na tinatanggap ng pamahalaang lungsod sa kasalukuyan, wala pang ginagawang kakaiba ang inyong lingkod, kung tutuusin. Wala pa tayong ginagawa.

Lahat ng inyong nakikita at nararanasan sa kasalukuyan, na bunga ng mga ipinatupad natin nitong nakaraang apat na buwan, ay pawang ‘basics of governance’ lamang o elementarya lamang.

Kumbaga, ibinalik lang natin sa umpisa ang paggogobyerno. Gaya ng pagkakaroon ng kaayusan, kalinisan at kapayapaan, unang-una sa lahat.

Nag-uumapaw ang aking pasasalamat at tuwa sa pagkakapili sa akin para tanggapin ang nasabing award, lalo pa’t galing sa PUP at sa College of Education pa, na ang mga mi­yembro ay pawang hindi matatawaran ang galing at talino, dahil sila ang inaasahan na­ting huhulma sa mga guro at lider ng mga darating na henerasyon.

Kaya naman mahigpit ang aking panawagan sa mga mag-aaral na pawang magiging guro balang araw, gayundin sa mga kasalukuyan nang guro, na maaaring pagtiyagaan lamang ang paghulma sa tamang mindset o kaisipan ng mga estudyante — ‘inspire them to aspire’.

Sa mga nag-aaral pa lamang sa ngayon, ako ay nakikiusap na sana ay pahalagahan at pangalagaan nila ang pribilehiyong meron sila, na makapag-aral sa kolehiyo dahil hindi lahat ay nabibigyan ng ganitong pagkakataon.
Kahit pa sabihing ikaw ay nag-aaral sa pampublikong paaralan, ‘kung ikaw ay patuloy na nakapag-aaral ay nangangahulugan lamang na mapalad ka pa rin at nakagagawa pa ng paraan ang iyong mga magulang para mabigyan ka ng edukasyon.

Napakaraming kabataan ang gustong-gustong mag-aral pero napipilitang huminto dahil talagang walang anumang kakayahan ang mga magulang na sila ay pag-aralin, kahit pa sa pampublikong paaralan.

Tandaan ninyo na ang pagkakaroon ng edukasyon ang tanging susi upang makaahon sa kahirapan. Ito lamang ang tanging kayamanan na hindi maaaring manakaw ng iba mula sa atin.

Sa pagkakaroon ng mga mamamayang may edukasyon, mas makatitiyak ang anumang pamahalaan ng tagumpay sa paglu­lunsad ng mga reporma dahil higit itong mauunawaan, matatanggap at susundin ng lahat.

Kaya naman ang inyong abang lingkod, walang sawa sa panawagan sa lahat ng mamamayan ng lungsod na makiisa at tumulong sa pamahalaan ng Maynila sa pamamagitan ng anumang kakayahan na mayroon sila.

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!
***
Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbi­sita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.