Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Salceda positibo sa $20B investment sa Pinas

0 210

Inaasam ni Albay Rep. Joey Salceda, House Ways and Means Committee chairman, ang $20 bilyong pamumuhunan sa Pilipinas mula sa mga dayuhang kumpanya na itinataboy ng lumalalang awayan ng China at US sa negosyo.

Matutupad diumano ito sa pamamagitan ng masugid na pagsulong sa akmang mga panuntunan at estratehiya ng bansa.

Ayon kay Salceda, bagama’t nagdudulot ng takot ang “masalimuot na pandaigdigang kaguluhan,” nagbibigay din ito ng magagandang pagkakataon sa mga bansang may matatag na sandigan ng ekonomiya gaya ng Pilipinas.”

“Naniniwala akong kaya nating ambisyunin ang USD20-bilyong ‘foreign direct investments (FDI) pagkatapos ng krisis sa Covid. Sa ngayon kayang-kaya natin ang USD10-bilyon. Makikipagpulong ako sa DTI at Finance Secretary para talakayin at i-target natin ang taunang $20 bilyon. Hindi ako masaya sa makitid na pangarap ng isang bansang mala-higante ang potensiyal,” pahayag niya.

“Tayo ang may pinaka-batang ‘labor force’ sa ASEAN na lalo pang lumalaki. Mahusay magsalita ng Ingles at mahuhusay sa teknolohiya ang karamihan sa atin. Mahusay ang pamamahala sa pananalapi natin at malawak ang potensiyal ng ating ekonomiya. Sa pamamagitan ng masugid na pagsulong sa mga akmang panuntunan sa pamumuhunan, tiyak na matitiba natin ang malaking bahagi ng pandaigdigang pamumuhunan at negosyo para sa bansa,” paliwanag ng mambabatas.

Sa isang ‘budget interview’ kamakailan kay Trade Secretary Ramon Lopez, sinabi ni Salceda na nais niya ang higit na aktibong mga panuntunan sa pamumuhunan na gumagamit ng hindi pangkaraniwang mga sistema para umakit ng mga negosyo at pamumuhunan.

Inihain sa Kamara kamakailan ni Salceda ang panukala niyang Financial Technology Industry Development Act na naglalayong akitin sa bansa ang mga negosyong naglalayasan sa Hongkong dulot ng takot sa nakaambang lalong higit na paghihigpit sa kanila ng pamahalaang China.

Kasama sa mga panukala niya ang pagbibigay ng ‘special visa’ sa opisyal ng mga kumpanyang ‘fintech’ at mamumuhunan na irerekomenda ng governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Nais din niya ng mabilisang pagsasabatas ng panukala niyang ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE)’ na aakit sa mga pamumuhunang dapat narito na sana ngunit nabalam ang paglipat dahil sa walang katiyakang mga panuntunan sa pananalapi ng bansa.

Sa kasalukuyan, nakatuon ang DTI sa pagpapalalim sa mga ugnayang negosyo sa US, EU at Korea sa pamamagitan ng ‘foreign trade agreements;’ at mga kasunduang ‘Regional Comprehensive and Economic Partnership (RCEP)’ naman sa mga bansang Japan, China, Australia at New Zealand; at lalong pagpalago sa ‘Generalized System of Preferences (GSP)’ ng bansa mula sa US at EU at akitin ang mga kumpanya nila na magtatag ng operasyon nila sa Pilipinas.

Leave A Reply

Your email address will not be published.