Abante Tonite Interactive

SALPUKAN NG SUPER IMPORTS

19

Mga laro ngayon (Smart Araneta Coliseum)
4:15 p.m. – Mahindra vs. Phoenix
7:15 p.m. – Star vs. NLEX

Magsasagupa ang mga super imports ng PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum mamaya.

Si Eugene Phelps na bumuhay sa kampanya ng Phoenix, at si James White na nagmamaneho sa nakakasorpresang run ng Mahindra.

Sa nightcap, mag-uunahan ang Star at NLEX sa pagbangon para humabol sa top eight na bibiyahe sa susunod na round ng season-ending conference.

Sinabi ni Enforcers coach Chris Gavina na ginamit nila ang All-Star break mula Aug. 3 para hasain ang pangil at paghandaan ang Phoenix at si Phelps.

“We have covered all the bases in regards to what Phoenix does best and we have fine-tuned our movements and skills sets. We’re ready to go to war tomorrow,” ani Gavina sa bisperas ng bakbakan.

Sisikwatin ng Fuel Masters ang ­ikalawang sunod na panalo para ma­kawala sa seventh-11th.

“Every game now at this stage is crucial,” giit ni Phoenix coach Ariel Vanguardia. “This is the game of the conference for us. Mahindra is a very disciplined team. We have to disrupt what they want to do.”

Sa katauhan ni Phelps, mukhang nakahanap na si Vanguardia ng itatapat kay White, 23, na nag-a-­average ng 29 points at 13.5 rebounds per game.

Pumalit kay Marcus Simmons, nalagasan ng isang ngipin si Phelps pero hindi napigil sa pasabog na conference-high 52 points, 16 rebounds at 6 assists sa kanyang ­debut game, ang 120-107 breakthrough victory ng Phoenix kontra GlobalPort noong July 31.

Isa pang import na bibinyagan si Joel Wright, pumalit kay Marqus Blakely sa Star. Isasagupa ang 26-anyos at NBA D-League campaigner na si Wright kay Henry Walker ng NLEX.