Abante Tonite Interactive

Saludo kay Perez

385

Bilib naman ako kay Christian Jaymar ‘CJ’ Perez ng Columbian Dyip sa Philippine Basketball Association (PBA).

Miyembro siya ng 12-man national men’s basketball team sa 5×5 o mas kilalang Gilas Pilipinas. Kasapi rin ng PH men’s hoop squad sa 3×3 ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).

Hinarap kamakalawa o Linggo ng gabi ng Nationals ang Indonesia sa Jakarta na kanilang tinambakan, 100-70. Bumalik na rin agad kinabukasan ang Gilas.

Ayon sa ulat ng reporter naming si Ange­lito Oredo kahapon, Ilang oras lang nagpahinga ang 24-anyos, may taas na 6-1 na guard-forward at incoming sophomore pro. Pagkaraa’y pinuntahan naman ang mga kasamahan sa 3×3 na sina Moala Tautuaa ng San Miguel Beer at sina veteran internationalists Alvin Pasaol at Joshua Munzon.

Bihira na ang ganyan sa ating mga propesyonal na basketbolista. Inuuna muna ng marami ang ma­laking kontrata nila sa team bago ang bayan.

Hindi kasama riyan sa CJ na tubong Hong Kong pero lumaki sa Pangasinan.
Nakapaglaro rin si Perez sa Zark’s Burger sa PBA D-League Aspirant’s Cup kung saan siya nag-Most Valuable Player.

At sa San Sebastian College–Recoletos Stags at Lyceum of the Philippines University Pirates sa National Collegiate Athletic Association (NCAA), at sa Ateneo de Manila University sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

Sa paging isang propesyonal, walang yabang sa katawan, masipag, matiyaga, disiplinado at matapang sa hardcourt ni CJ, isa ako na magsasabi na malayo ang marara­ting mo bata.

Huwag ka lang magbabago at sigurado akong maging magandang ehemplo ka sa marami. Mula sa mga kabaro mong basketbolista hanggang sa mga kabataan.

Saludo rin ang TP sa pagsasagripisyo mo para sa ating bayan.

Keep it up!
***
Kung gusto po ninyong magkomento o nais itanong, mag-email lang po sa ramilcruz2003@gmail.com at ramilcruz2003@yahoo.com.

Hanggang sa susunod pong Martes maraming salamat mga ka-Abante TONITE. God bless us all!