Abante Tonite Interactive

Salvage victim bumulaga sa sako

431

Isang hindi pa nakikilalang lalaki ang pinagsasaksak sa kanyang likod bago isinilid ang bangkay nito sa sako at itinapon sa North Harbor sa Tondo, Maynila, Biyernes ng gabi.

Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, inilarawan ang biktima na nasa edad 30-35, may taas na 5’3-56′, katamtaman ang pangangatawan, may tatak ng Bahala na Gang, at nakasuot ng navy blue na t-shirt at itim na short.

Dakong alas-siyete ng gabi nang itawag sa Delpan Police Community Precinct ang nakitang bangkay at itinawag naman ito sa Homicide Section.

Sa imbestigasyon, nakita umano ng port worker na si PJ Labores ang lumulutang na sako sa nabanggit na lugar at nagduda ito na tao ang laman kaya agad niyang ipinaalam sa isang kasamahan na siyang tumawag sa pulisya.

Dinala ang bangkay ng biktima sa Cruz Funeral Homes para sa awtopsiya. (Juliet de Loza-Cudia)