Abante Tonite Interactive

Salvage victim pinako ang noo, pinaanod sa ilog

By
216

Isa na namang hinihinalang biktima ng ‘summary execution’ na nakasilid sa itim na garbage bag, may nakabaong pako sa noo, bali ang mga buto sa leeg at katawan at may piring sa mata ang natagpuang palutang-lutang sa ilog sa Novaliches Quezon City.

Inilarawan ni NCRPO Director, Police Director Guillermo Lorenzo Eleazar, ang biktima na nasa edad 30-35, nakaputing t-shirt, itim na shorts, katamtaman ang panga­ngatawan, may mga tatoo ng ‘Reyes’ sa dibdib at ‘Dragon’ sa likuran.

Sa inisyal na imbes­tigasyon ni PO3 Alvin Quisumbing, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, natagpuan ang bangkay na palutang-lutang sa Galvez Creek sa Galvez St., Sta. Lucia, Novaliches.

Isang Rodolfo Ruiz ang nakapansin sa inaanod at kaduda-dudang garbage bag kaya agad niya itong ini-report sa pulisya na agad namang biningwit ng Fairview police.

Pagbukas ay bumungad sa kanila ang duguang bangkay ng biktima na may nakabaong pako sa noo at bali-bali ang buto sa katawan.

Magugunitang isa ring salvage victim na nakasilid din sa garbage bag at may pako rin sa ulo ang natagpuan noong madaling-araw ng Enero 5.