Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sama-sama nating ibalik ang kabutihang- asal sa mga kabataan

0 65

Ako ay kapwa masaya at ‘excited’ na ang implementing rules and regulations para sa integration ng GMRC (good manners and right conduct) sa K-12 curriculum ay kasalukuyan nang binabalangkas.

Ito ay aking napag-alaman sa isang pagpupulong kelan lang kasama ang mga opisyal ng Department of Education (DepEd) at Division of City Schools-Manila na pinamumunuan ni superintendent Magdalena Lim.

Sa nasabing pulong, partikular kong ipinaalam ang aking layunin na maging aktibong kaagapay sa pagpapalaganap ng GMRC sa hanay ng ating mga mag-aaral sa ngayon, alinsunod sa direksyong tinatahak ng ating national government sa pamumuno ni Pangulong Rordigo Roa Duterte.

Buo din ang ating suporta sa Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) program upang mahasa ang ‘untapped potential’ ng mga mag-aaral sa Maynila pagdating sa mga naturang larangan.

Gaya ng alam na natin, ang Republic Act 11476 o GMRC and Values Education Act ay nilagdaan noong HUnyo ni Pangulong Duterte. Ini-institutionalize nito ang GMRC bilang isang subject sa ilalim ng K-12 curriculum.

Sa ilalim ng RA 11476, obligado ang pagsanib ng GMRC sa arawang aktibidad sa kindergarten level. Ito ay ituturo bilang hiwalay na subject mula Grades 1 hanggang 6 habang ang mga estudyante mula Grades 7 hanggang 10 ay tuturuan naman ng Values Education kung saan isasama ang GMRC.

Sa kabilang banda, ang Values Education naman ay isasama sa lahat ng subjects sa ilalim ng K-12 curriculum for those in Grades 11 and 12.

Harapin natin ang katotohanan. Sa kasalukuyan ay tila nakakalimutan na ang ‘good manners and right conduct’ sa hanay ng ating mga kabataan habang sa iba naman, ito ay talagang wala at limot na. Ito ay maaring dulot ng iba’t-ibang dahilan gaya ng modernong kultura, impluwensiya mula sa mga kaibigan o makabagong teknolohiya kung saan ang mga bata ay maaring magkaroon ng walang limitasyon na access sa lahat ng uri ng impormasyon sa pamamagitan ng internet.

Sa ngayon, hindi na palagiang ginagawa ng mga kabataan ang mga nakasanayang Filipino values ng paggalang gaya ng pagsasabi ng ‘po’, ‘opo’, ‘thank you’ at ‘excuse me.’ Maging ang tinatawag na ‘acts of chivalry’ gaya ng pagbubukas ng pinto at upuan sa mga kababaihan at nakatatanda ay hindi na rin laging ginagawa.

SM food to go Banner Ad

Bilang produkto ng mga Catholic school kung saan itinuturo dati ang GMRC bilang isang buong subject, alam ko ang importansiya ng GMRC at kung paano ito nakatulong sa paghubog sa akin at sa aking mga kasamang kabataan noon upang magkaroon ng takot sa Diyos at mataas na respeto para sa mga matatanda, kababaihan, magulang at maging mga kapwa bata, hindi lamang sa loob ng paaralan, kundi maging sa pamilya, lipunan at ngayon, sa gobyerno.

Kapag ang bata ay natuturuan ng mga mahalaga at mabuting kaugalian sa kanilang ‘formative years,’ kasunod nito ay magkakaroon na din sila ng disiplina at malasakit sa kapwa. Mula naman sa mga ito, maraming magandang bagay ang maaring maging bunga gaya ng mabuting pag-uugali, integridad, moralidad, katapatan, disiplina, respeto, pagmamahal sa bayan, pagiging sibil, responsibilidad at pangkalahatang mabuting karakter.

Ang GMRC at Values Education Act ay isinabatas sa ilalim ng normal na setup kung saan ang mga bata ay gumugugol ng mahabang oras sa paaralan. Kaugnay nito, ang mga magulang o guardians ay inaasahan na tutulong sa pamamagitan ng pag-follow through ng itinuro sa paaralan, sa pamamagitan ng pagtuturo din ng GMRC sa bahay.

Gayunman, dahil sa online classes na ang umiiral sa halip na harapan o ‘face-to-face’ dala ng pandemya, mas mahaba na ngayon ang oras ng mga mag-aaral na kasama ang kanilang mga magulang, guardians o iba pang miyembro ng pamilya.

Dahil diyan, ako ay nananawagan sa mga palagiang kasamahan ng mga estudyante sa bahay na gawin ang kanilang parte sa pagtuturo ng mga kabutihang-asal sa mga kabataang ito.

Sa kabilang banda, kami naman sa pamahalaang-lungsod ay gagawin ang lahat ng aming makakaya upang suportahan ang pagpapalaganap ng GMRC sa loob at labas ng paaralan at muli itong buhayin sa mga puso at isipan ng mga kabataan.

Kung sama-sama, alam kong kaya nating palakasin ang ating mga kabataan upang sila ay maging mabuti at responsableng mamamayan at pinuno ng ating bansa sa hinaharap. Kaya natin ito!

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.