Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sama-sama tayo para magnanakaw ubos

0 82

Ang mga tira-tira (leftovers) ay usong-uso tuwing tayo ay nagdiriwang ng mga malakihang okasyon kagaya lamang ng Pasko at Bagong Taon lalo na ngayong marami pa ring ilag na magsama-sama para sa iisang saya bunga ng muling pagtaas ng banta ng pandemya.

Kaya kadalasan ang mga tira-tirang ito ay ipinamimigay sa mga kung sinong naiisip at nakikita na lamang sa hangaring makaani ng impresyon na ang nagbigay ay mayroong busilak na kalooban gayung ang  hangarin naman talaga ay mawala na lamang ang mga ito sa paningin.

Kung tutuusin, kahit hindi Pasko o Bagong Taon ay biktima ng tira-tira ang karamihan sa atin bunga na rin ng katotohanang kahit saang sulok ng ating lipunan ay naglipana ang mga magnanakaw, mga magnanakaw na sa ayaw natin at sa gusto ay mga tira-tira na lamang ang iiwanan sa atin.

Bago mag-Bagong Taon ay napanood ko ang video greetings ni Partido Reporma 2022 elections standard bearer Ping Lacson kaya medyo nagkaroon ako ng pag-asang sa mga susunod na araw ay hindi na lamang tayo dapat na magkasya sa tira-tira ng mga magnanakaw.

Malinaw ang mensahe ni Ping sa napakaseryosong video greetings na inilabas sa iba’t ibang social media at naibalita sa ilang major mainstream news outlets, kung saan, mariin niyang binanggit ang mga katagang “ngayong 2022 kapag nagsama-sama tayo, pagnanakaw tapos, magnanakaw ubos.”

Saktong sakto ito sa kulturang tira-tira dahil talaga namang gumaling na ng todo ang mga magnanakaw ngayon, para kasi hindi mapaghinalaan ay bibigyan nila ng kung anu-anong pampalubag-loob lamang ang nakakaraming naghihirap at dapat ay silang nakikinabang ng mga ninakaw.

Sa kanto pa lamang, kung mauubos ang magnanakaw hindi ba’t mas magiging kampante sa paglalakad ang mga tao anumang oras na gustuhin nila nang hindi sila nangangamba na mawala o maagaw sa kanila ang pinakaiingatan nila?

Sa gobyerno, hindi ba’t mas malaki ang magiging pakinabang ng publiko sa mga pondo kung hindi ito nanakawan? Pansinin natin ang mga nangyaring kalamidad, ang pagtugon sa pandemya, hindi ba’t lahat ay may kaakibat na pagnanakaw?

Sa negosyo, hindi ba’t napakalaking epekto sa presyo ng mga paninda sa palengke ang sapilitang pagnanakaw ng mga unipormadong humaharang sa kanilang sasakyan bago makarating sa patutunguhan?

Kaya malinaw nga ang natitira para sa publiko ay ang mga tira-tira na lamang ng mga magnanakaw na ito.

Si Ping ay seryosong nag-aalok na tapusin at ubusin ang mga ito, tanging si Ping lang ang nag-aalok, nganga ang ibang tumatakbo sa pagka-Pangulo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.