Abante Tonite Interactive

Samar gov kulong ng 115-taon sa graft

672

Pinagtibay ng Sandiganbayan ang hatol na 115 taong pagkakakulong at permanenteng diskuwalipikasyon na makapagtrabaho sa gobyerno laban kay Samar Governor Milagrosa Tan, dahil sa kasong graft.

Maliban kay Tan, parehas na hatol din ang iginawad kay provincial administrative officer Rolando Montejo.

Ang kaso ay may kaugnayan sa pagbili ng mga equipment, medicine supplies na nagkakahalaga ng P16.2 mil­yon nang hindi dumadaan sa public bidding.

Ang kuwestiyunableng proyekto ay nangyari noong 2001 hanggang 2004 sa unang termino ni Tan bilang go­vernor ng lalawigan, makaraan ang nasabing posisyon ay naging kongresista ng Samar si Tan sa loob ng siyam na taon at ngayon ay balik muli bilang gobernador matapos manalo sa 2019 midterm election.

Noong Marso ay una nang hinatulang guilty ng Sandiganbayan si Tan at pinagtibay itong muli matapos ibasura ng graft court ang inihain nilang motion for reconsideration.

Bukod kina Tan at Montejo ay una na ding hinatulang makulong 14 hanggang 25 taon ng Sandiganbayan si Raynaldo Yabut, ang private defendant at may-ari ng Raechel Shopper’s Plaza kung saan binili ang mga supplies.

Ang grupo ni Yabut ang siyang pinaboran sa kontrata.

“The court maintains that while it was made to appear that there were competitive public biddings… none was in fact legitimately carried out,” ayon sa graft court.

Nabatid na pinalabas pa ng provincial government na ang binili nilang mga supplies gaya ng bigas, medical supplies, at iba pang emergency items ay para sa mga biktima ng bagyong Kidang na tumama sa Samar noong Disyembre 2001 subalit sa imbestigasyon lumilitaw na natapos na ang pagbili ng nasabing mga supplies dalawang buwan bago pa ang pananalasa ng bagyo. (Tina Mendoza)