Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sampung daliri

0 134

Ilang araw na lang ay bagong taon na. Abala tayo n’yan sa pag salubong at tuluyang pagiwan sa taong gustong gusto nang ibaon sa limot dahil sa mga pagsubok na dala ng COVID-19. Maglilinis sa loob at labas ng bahay para malinis ang darating na taon. May handaan kahit na karamihan ng pagkikita ay virtual lamang, at ang mga espesyal at paboritong pagkain ay pwedeng ipadala pa din. Sa kagustuhan na talagang mawala ang masamang vibes ng taong 2020 ay may mga fireworks. Iba’t ibang mga paraan ngunit isa lang ang tanging gusto natin, na tayong lahat, at ang mga mahal natin sa buhay, ay maging malusog at ligtas.

Sa ating paghahanda, kailangan pa din ang minimum health requirements. Sa bahay, huwag pabigla bigla at siguraduhing may makakatulong lalo na kung medyo malawak ang lugar at matagal nang hindi nalinisan. Iwasan magkaroon ng muscle strains at sprains. Kailangang healthy tayo. Kailangang kumain ng wasto at uminom ng tubig. Pwede namang tikman ang mga gusto at paborito, ngunit hindi lahat ng ibigay at ihain ay kakainin at uubusin. Baka naman atakihin ng pagtaas ng asukal, cholesterol at uric acid sa dugo, pati na ang blood pressure. Mas matindi ang mararamdaman pagka nagka kumplikasyon ang mga ito. Sa pagluluto, maging maingat. Huwag magmadali at mataranta. Ang gusto natin ay matikman ng nakararami ang specialty ninyo at hindi nasa emergency room dahil natapilok o natalisod, lalo na kung may mga dala at mabanlian ng tubig o masunog ang balat. Sa mga sobrang sama ng loob sa 2020, gumawa na lamang ng iba’t ibang ingay maliban sa paputok. Puwedeng magtorotot, gamitin ang busina ng sasakyan o umikot sa kapitbahayan na may hilahilang mga lata; hampasin ang mga kaldero, at tumingala ng makapanood ng fireworks. Huwag nang magpaputok. Bukod sa ito ay pinagbabawal ngayon ay baka kayo pa ang masaktan, o mas malala, makasakit ng kapwa. Mas gusto natin na sa pagdating ng bagong taon ay kumpleto ang ating katawan. May mata, ilong at tenga, kumpletong sampu ang mga daliri sa mga kamay at mga paa; nasa bahay kasama ang mga mahal sa buhay at hindi sa kalaboso na hindi pa kilala ang mga makakasama.

Panibagong taon ang darating, panibagong biyaya ang alalahanin natin, panibagong hinaharap ang ating aasahan. Maaaring hindi natin maibalik ang mga kinagisnan, ngunit hindi rin titigil ang panahon. At habang may bukas, mayroon palagi tayong pagasa na hindi matatangal sa atin, may COVID man o hindi.

Manigong Bagong Taon sa lahat!

Hanggang sa susunod ! Keep healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.