Abante Tonite Interactive

San Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami!

460

Sa gitna ng Enhanced Community Quarantine na ating pinagdaraanan, walang puknat ang panalangin ng buong mundo upang matapos na ang hagupit ng pesteng coronavirus. Sa ikatlong linggo ng lockdown, ginugunita ng Simbahan ang Kapistahan ng ating kababayang si San Pedro Calungsod (Abril 3).

Si Calungsod ang ikalawang Pilipinong santo na binansagang ‘Patron ng Kabataang Pinoy’. Isa siyang binatilyong taga-Bisaya na ipinanganak noong 1654. May nagsasabing hinubog siya sa `seminaryo menor’ ng mga paring Heswita sa Loboc, Bohol at sumailalim sa pagsasanay bilang katekista at misyonero.

Kasama si Pedro sa mga paglalakbay at katuwang sa mga gawaing pangmisyon ni Padre Diego Luis San Vitores. Lubhang kapagal-pagal ang kanilang paglalakbay dahil madalas sila’y naglalakad nang nakayapak sa matatarik na bundok, gulod at madawag na gubat sa kasikatan ng araw, at minsan ay sa ulan.

Tumulong si Pedro sa pagtuturo ng Katesismo, lalo na sa mga bata. Nagsilbi siya sa Misa at tumulong din sa mga binyag at ipa pang liturhiya. Siya lamang ang kasama ni Padre San Vitores sa huling biyahe nito patungong Tuhon (Guam, Marianas Islands) na dati’y tinatawag na Ladrones, taong 1668.

Noong simula naging maayos ang misyon ng mga Heswita sa Marianas ngunit dahil sa inggit sa dami ng nagpabinyag bilang Kristiyano sa grupo, nagsimula ang persekusyon laban sa mga Katolikong dayo. Ika-2 ng Abril 1672 nang sugurin ang pari at kanyang alalay ng dalawang katutubong Chamorro.

Madali sanang makatatakas si Pedro upang iligtas ang sarili, subalit pinili niyang manatili kasama ang amo hanggang sa huling sandali. Nakailag siya sa ilang sibat na inihagis sa kanya dahil sa taglay niyang lakas at liksi. Sa huli, isang sibat ang tumarak sa kanyang dibdib at isang tama ng itak ang bumiyak sa kanyang bungo.

Matapos mapaslang ang sakristan, sinugod at pinatay naman ng mga salarin si Padre San Vitores. Hinubaran ang pari ng isang nagngagalang Matapang, ama ng batang bininyagan nang hindi umano ipinaalam. Pinagpira-piraso nito ang krusipiho ng pari, pagkatapos ay kapwa iginapos ang leeg ng dalawang misyonero sa malaking tipak ng bato, at itinapon sa karagatan.

Para sa Simbahan, ang martiryo ni San Pedro Calungsod at Beato Diego Luis San Vitores ay naganap ‘in odium fidei’ o sa pagkamuhi sa pananampalatayang Kristiyano. Gayunman, hanga at pinuri ni San Pablo II si Pedro Calungsod nang iprokalama nitong beato ang binata noong Marso 5, 2000 kasama si Padre San Vitores.

Hamon ani PJPII ang halimbawa ni Pedro Calungsod lalo na sa mga kabataan sa ating panahon na balot ng mapanirang kawalan ng pananampalataya dahil sa impluwensiya ng media, lalo na ng internet! Mula pagkamusmos itinalaga na ni Pedro ang sarili kay HesuKristo at pagsisilbi sa kapwa. Matapang nitong hinarap ang mga kahirapan.

Sa bingit ng panganib at kamatayan, ‘di iniwan ni Pedro si Padre San Vitores, hangggang makamit nito ang korona nang isang martir. Nawa sa kasalukuyang banta ng coronavirus sa ating buhay, patuloy tayong kumapit sa ‘korona’ na naghihintay sa atin sa langit. Sa ‘kalabang hindi nakikita,’ mas maging malalim nawa ang ating tiwala at pag-asa sa mga salita ni Kristo.

Wika ni Hesus: “Huwag kayong matakot sa mga pumapatay sa katawan ngunit hindi makapapatay sa kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa kanya na makapapatay kapwa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno.” (Mat 10:28)

San Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami!

Tonite – Wendys Inhouse Ad