Abante Tonite Interactive

San Raymundo Penyafort, pintakasi ng mga abogado ng Simbahan!

164

Ipinagdiriwang ng Simbahan kahapon (­Enero 7) ang Pista ni San Raymundo Penyafort, ang tinaguriang “Patron of Church Lawyers”. Bukod sa pagi­ging dalubhasa sa Canon and Civil Law, ang sikat na paring Dominikano ay nanguna rin sa gawaing paghubog ng mga pari at evangelization ng mga Hudyo at Muslim.

Si Raymundo ay mula sa marangal na pamilya sa Aragon, Spain at ipinanganak noong Enero 6, 1175. Bilang miyembro ng aristokrasya naging marangya ang kanyang buhay hanggang nagpasya siyang maging isang pari. Naordenahan siya sa Kate­dral ng Barcelona at sa edad na tatlumpu naging propesor ng Civil and Ecclesiastical Law.

Nakarating sa Roma ang husay at talino ni Raymundo kaya’t ipinatawag siya ni Pope Gregory IX upang bigyang kaayusan ang lahat ng decree ng mga Santo Papa at mga Konsilyo ng Simbahan. Ang kanyang trabaho sa Vatican ay humantong sa pagkalimbag ng kumpletong ‘Decretals’ ng Simbahan na naging basehan ng batas nito.

Dahil kay San Raymundo nailathala ang Canon Law noong 1917 na naging batayan ng lahat ng kilos at galaw ng Simbahan maging sa mga selebrasyon ng Liturhiya. Matapos ang publikasyon ng ‘Decretals’ itinalaga siyang obispo ng Tarragona, Spain – posisyon na binitiwan rin niya matapos lamang ng dalawang taon.

Taong 1238 nang hirangin ang masipag na obispo bilang ‘­General of the Dominican ­Order’. Bilang lider ng kongregasyon isinaa­yos ni San Raymundo ang Konstitusyon ng grupo. Sa edad na 65 nagretiro ang ­banal na monghe. Ang ­sumunod na 35 taon ng kanyang buhay ay ­itinalaga niya sa pana­langin at pagpapa­kumpisal.

Umabot ang buhay ng sikat na iskolar ng Simbahan hanggang 100 taon.
Sinasabing naging giya rin siya sa pagsasaayos ng mga turo at aral ni St. ­Thomas ­Aquinas lalo na ng ‘Summa contra Gentiles’. Enero 6, 1275 nang binawian si San Raymundo ng buhay at iprinoklamang ganap na santo noong 1601 ni Pope Clement VIII.

Diin ng Simba­han, “St. Raymond’s love and respect for rules and regulations should serve as an inspiration for their faithful observance to achieve the end they were intended for.” Nawa ang pagiging dalubhasa ni San Raymundo Penyafort ay manatiling ins­pirasyon sa atin bilang masunuring mga anak ng Simbahan.