Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sana magbalik pa ang nakasanayan nating pamumuhay

0 69

HABANG nabubuhay ay may pag-asa, bawat problema ay may nakalaang solusyon, ito ang ilan sa pinanghahawakan ng marami sa ating mga kababayan na kasalukuyang naghihintay kung kailan matatapos ang pagkakahawa-hawa ng mga tao.

Ganito ang sitwasyon ng marami sa ating mga kababayan, marami ang nasalanta ang kabuhayan dahil sa halos pitong buwan na nating pagtitiis sa patuloy na pakikibaka sa pandemyang ito.

Nababawasan na umano ang paglaganap ng COVID-19 kung ikukumpara noong mga nagdaang buwan, pero hindi pa rin maiaalis na libu-libo pa rin ang nahahawa araw-araw at malaking patunay lamang ito na nananatili pa rin ang naturang virus.

Dahil sa kahirapan at pagkainip ay marami sa ating mga kababayan ang tila nakalimutan na kung gaano kadelikado ang paglabas ng kani-kanilang mga tahanan o sadyang marami na ang pinatapang na ng sitwasyon.

Ngunit marami rin ang nawalan na ng pag-asa at ang iba ay nauwi na sa pamamalimos tulad ng marami sa ating mga jeepney driver na kahit pinayagan na ang pagbabalik sa pagbibiyahe ay tila hindi pa bumabalik ang sigla ng pamamasada.

Dahil dito ay marami sa mga tsuper ang hanggang ngayon ay nakakalat sa mga kalye para manghingi ng limos at ang tila makakapagbago lamang sa kanilang sistema ay kung sakaling magbabalik pa ang dating sitwasyon.

Ngunit marami rin sa ating mga kababayan ang nawalan din ng hanapbuhay ngunit hindi sila pumayag na madaig ng kasalukuyang sitwasyon kaya kung anu-ano ang kanilang pinagpapasok para kumita lamang.

Maraming professional na dati-rati ay nag-oopisina ngunit dahil nagsara ang kanilang pinapasukan ay minabuti nilang magtinda online, mamasada ng tricycle, maglako ng lutong ulam at marami pang ibang diskarte para mabuhay.

Ang ibig kong sabihin ay napakaraming paraan kung talagang gugustuhin ng isang tao na kumita o mabuhay sa malinis na paraan kahit nasa kasagsagan tayo ng pandemya.

Kung marami sa ating mga kababayan ang pilit na nagsusumikap sa buhay ay marami rin ang tila pinanghinaan na ng loob matapos mawalan ng hanapbuhay, tulad ng ilang tsuper na tuluyan nang iniaasa ang kanilang sitwasyon sa panglilimos hanggang sa kasalukuyan.

Umaasa sila na isang araw ay magbabalik na sa normal ang kanilang pamamasada lalo pa at napakarami na ng mga bansang nag-aalok ng bakuna para malabanan na natin ang pandemyang ito.

Isa sa pinakaaasahan ng marami ay ang pahayag ng World Health Organization (WHO) na posibleng sa katapusan ng taong kasalukuyan ay mailabas na ang bakuna na magiging panlaban natin sa COVID-19.

Hindi naman sa pinapatay ko ang pag-asa ng bawat isa dahil sa alam naman natin kung paano nagsusumikap ang maraming bansa para makapaglabas ng bakuna na magsasalba sa ating kaligtasan.

Ngunit sa kasalukuyan, ang lahat ng ito ay pawang mga pahayag lamang, tantiya o press release na pantanggal lamang ng inip ng bawat-isa upang tumaas ang moral at hindi tuluyan mawalan ng pag-asa.

Hangga’t wala sa kamay ng ating pamahalaan ang mga bakunang iyan ay huwag tayong umaasa na magiging normal na ang lahat dahil walang makapagsasabi kung gaano pa katagal ang pandemyang ito.

Hindi masamang umaasa sa mga pangako pero sabayan natin ng pagsisikap dahil kung puro lang tayo hintay na maging normal ay baka tapos na tayong mabakunahan ay hindi na magbalik pa ang inasahan ng marami na dating normal o nakasanayan nating pamumuhay.

Sabayan natin ng gawa ang ating panalangin sa halip na maghintay tayo ng biyaya ngunit siguruhin lang natin na palagi tayong mag-iingat para hindi tayo makadagdag sa problema ng bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.