Abante Tonite Interactive

Sana may tumulong pa sa SEA Games

171

Nasa 11 araw na lang mula ngayon magbubukas na ang 30th Southeast Asian Games sa ating bansa, sa Philippine Arena sa Bulacan.

Maganda ang mga insentibong naghihintay sa mga atleta na mga mananalo ng medalyang ginto, pilak at tanso.

Buhat ‘yan sa gobyerno sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission, pribadong Phili­ppine Olympic Committee at ilang kompanya.

Sana may mga lumabas pang buhat sa sektor ng negosyo na mag-alok din ng pabuya para sa mga manlalarong Pinoy.

‘Yan ay upang ganahan pa lalo sila para makamit ng ‘Pinas ang ikalawang overall championship, tapos nang una noong 2005.

Pang-apat na nating pagtataguyod ito sa 11-nation, 12-day sportsfest na nakatakda sa pagkakataong ito sa Nobyembre 30-Disyembre 11.

Noong 1981 pumangatlo ang bansa tapos unang sumali noong 1977, at pumangalawa tayo nu’ng 1991.

May hinaharap mang kontrobersya ang Philippine SEA Games Organizing Committee, sana ‘wag madismaya ang ilang negosyante alang-alang na lang sa ating mga national athlete.

Mas mabuti marahil ay sa PSC o sa POC idirekta ang sponsorships sa athletes at huwag sa Phisgoc.
Kayo ano sa tingin ninyo?

***

Kung may nais po kayong itanong, mag-email lang po sa ramilcruz2003@gmail.com. Hanggang sa susunod pong Martes.
Maraming salamat po. God bless us all.