Abante Tonite Interactive

Sana sa SONA, traffic crisis naman

745

Aabangan ang ika-a­pat na State of the Nation Address ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

Batay sa mga report, tatagal lang daw ng 45 minutes ang SONA ng Pangulo.
Kasya ba sa 45 mi­nutes ang mga dapat sabihin ni Pangulong Duterte sa taumbayan kung mga achievement ng kanyang administras­yon ang pag-uusapan?

Mahalagang marinig din sa Pangulo kung ano ang mga programa ng gobyerno sa nalalabing tatlong taon ng kanyang administrasyon.

Pero kung sa istilo ng Pangulo, malabo na 45 minutes lang ang kanyang SONA. Baka 45 minutes ang speech pero higit pa dito ang magiging adlib ng Pa­ngulo kung irereport niya sa taumbayan ang mga nagawa ng kanyang administrasyon at mga gagawin pa sa natitirang tatlong taon ng kanyang panunungkulan.

Una pa rin kaya sa listahan ang tungkol sa war on drugs? Ilang linggo bago ang SONA uminit uli ang mga plano na imbestigahan ng United Nations Human Rights Council ang umano’y mga insidente ng extrajudicial killings sa bansa.

Sa totoo lang, naiparating na ni Pangulong Duterte ang malakas nitong mensahe kontra droga na alam naman natin na ipagpapatuloy pa rin ng administrasyon hanggang matapos ang kanyang termino at kahit marami ang mga bumabatikos sa war on drugs.

Tiyak na mababanggit din ang iba pang mga isyu gaya ng China, Build, Build, Build program, mahahalagang panukalang batas na isusulong sa 18th Congress at iba pa.

Kung masusunod na 45 minutes lang tatagal ang SONA ni Pangulong Duterte, sana maisingit at mabanggit kung ano ang kongkretong prog­rama ng gobyerno sa traffic crisis.

Nangangalahati na ang termino ng Duterte administration pero hindi pa rin nabibigyan ng solusyon ang perwis­yong traffic lalo na sa Metro Manila.
Dalawa hanggang tatlong oras nakatengga sa traffic ang marami nating mga kababayan pagpasok at pag-uwi sa trabaho at eskuwela. Malaking pera ang nawawala sa ating ekonomiya dahil sa matinding problema sa trapiko. Bukod sa usapin ng suweldo, patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at oil price hike, ang traffic crisis ang malapit sa sikmura ni Juan dela Cruz.

Natuto na rin ang mga Pinoy na mag-adjust, magtiis at magsakripisyo sa perwis­yong traffic pero hindi puwedeng ganito na lang ang sitwasyon. Kung may magagawa naman ang gobyerno, ilatag na ang mga kongkretong aksiyon.

Mapagtibay man o hindi ngayong 18th Congress ang panukalang emergency powers laban sa traffic, sana kumilos na ang gobyerno para mabigyan ng konting ginhawa ang mga motorista at commuters sa araw-araw na perwisyo sa traffic.

Sana nga, makasama sa marching orders ng Pangulo ang problema sa traffic. Kahit hindi matupad ang 5 minutong biyahe mula Cubao hanggang Makati, tulad ng naunang sinabi ni Pangulong Duterte, basta mabawasan lang ng ilang oras na nakatengga sa traffic ang marami nating kababayan, malaking ginhawa na ‘yan Mr. President!

***
Nasunod ang 15-21 o Magellan formula ni Pangulong Duterte kaugnay ng term sha­ring nina Taguig-Pateros Representative Alan Peter Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Mas maikli man ang termino ni Cayetano, mas mahalaga ay hindi ang haba ng panahon bilang Speaker kundi ang kalidad ng mga maipapasang batas ng Kamara sa 18th Congress.