Abante Tonite Interactive

Sana unahin ang LRT-2, nakakaawa ang mga commuter

196

Simula nang masunog ilang buwan na ang nakakaraan ang bahagi ng LRT-1 sa Anonas Station ay naputol na ang biyahe nito mula sa Recto Station patungong Santolan at umaabot na lamang ito hanggang Cubao Station.

Parang pinagbagsakan ng langit at lupa ang mga nakatira na nagmumula sa bahagi ng Marikina, Rizal at Pasig matapos na isara ang bahagi ng Santolan Station hanggang Anonas Station dahil nga sa sinasabing pagkasunog ng bahagi nito.

Grabe ang tinitiis ng mga mananakay na nagmumula sa bahagi ng Brgy. Santolan, Pasig City sa kahabaan ng Marcos Highway dahil sa araw-araw silang nakikipaghabulan para makasakay lamang.

Mabuti nga at kahit paano ay hindi nagpapabaya ang pamunuan ng LRT-2 sa paglalagay ng mga masasakyang bus na ang ilan ay galing pa mismo sa Metropolitan Manila Development Authority na libre ang pamasahe.

At ang mga aircon bus naman na pinadala ng iba’t ibang transport group ay naniningil lamang ng P15 kada pasahero ngunit mula sa Santolan lamang ito hanggang sa Cubao Station.

Dahil sa pangyaya­ring ito ay nagbara ang kahabaan ng Marcos Highway mula nga sa bahagi ng Brgy. Santolan hanggang sa Aurora, Cubao na dati ay binabiyahe lamang ng 10 hanggang 15 minuto ng pampasaherong jeep.

Ngunit ngayon ay umaabot ang biyahe ng isa hanggang isang oras at kalahati dahil sa dami ng bus na nadagdag sa naturang lugar lalo na sa rush hour sa umaga na nagsisipasok ang marami at sa uwian sa hapon.

Ngayon ay nababa­lita na nakatakda nang simulan ng pamahalaan ang pinakaaaba­ngang konstruksiyon ng Common Station sa Quezon City na tinawag na Unified Grand Central Station ngayong Enero mismo.

Dahil dito ay naka­takda na ring magpatupad ang pamunuan ng LRT-1 ng temporary passenger traffic scheme sa ilang piling istasyon upang bigyang daan ang naturang konstruksiyon.

Kasabay nito ay nakatakda na ring um­pisahan ang MRT-4 project na ayon sa Department of Transportation (DOTr) ay aprubado na ng investment Coordination Committee-Cabinet Committee ang konstruksiyon ng naturang 15.56-kilometer rail-based transit system.

At napakarami pa ng magagandang plano ng DOTr para palawakin pa ang serbisyo ng LRT-1, LRT-2 at MRT-3 at lahat ay natutuwa hinggil dito dahil mala­king tulong sa pagsisikip ng trapiko ang mga proyektong ito.

Pero sana naman, ito ay isang pakiusap lamang ng inyong lingkod dahil sa dami ng natatanggap nating reklamo at pakiusap na kung maaari ay unahin ng pamunuan ng LRT-2 na ayusin ang nasunog na bahagi ng Anonas Station para umabot na hanggang sa Santolan ang biyahe.

Alam ko namang hindi nagpapabaya ang pamunuan ng LRT-2 hinggil dito ngunit baka puwedeng madagdagan natin ng kaunting bilis pa ang pagkukumpuni nito dahil grabeng sakripisyo na ang dinaranas ng ating mga kababayan.

Baka naman kasi may magagawa pa ang DOTr para mapabilis ang trabaho para maisayos ang nasunog na ito at tiyak na isang magandang regalo ito para sa ating mga mananakay sa pagpasok ng taong ito.