Abante Tonite Interactive

Sana ‘wag malihis ang imbestigasyon ng Senado sa BuCor

0 253

Dapat ay tiyaking may mapaparusahan na opisyal sa Bureau of Corrections (BuCor) upang tuluyang matigil ang korapsyon sa ahensiya.

Kung matatapos lang sa pagsibak sa puwesto kay dating BuCor chief Nicanor Faeldon ay mananatili ang katiwalian sa nasabing ahensiya.

Walang pinag-iba ‘yan sa Bureau of Customs (BOC) na patuloy ang katiwalian dahil wala namang naparusahan at nakulong.

Sa katunayan ay nang masibak si Faeldon sa BOC ay nai­lipat pa ito sa mas magandang puwesto at ito ay ang BuCor.

Ngayon naman ay tila natatabunan na ang mga kapalpa­kan ni Faeldon dahil nalihis na ang im­bestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee at napunta na ang usapin kay Senator Leila De Lima na da­ting justice secretary at umano’y nakinabang sa BuCor.

Matagal na ang alegasyong ito at naunang lumutang na sa naunang imbestigasyon ng Senado sa umano’y kalokahan sa Bilibid.

Tila hindi na mas­yadong natumbok ang kapabayaan ni Faeldon at lalong ma­labong masilip kung may nangyari ring katiwalian sa BuCor noong ito ay pinamunuan ng ngayon ay si Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.

Sana naman ang pagtuunan ng pansin ng Senado sa kanilang rekomendasyon ay kung papaano mananagot ang mga opisyal ng BuCor na mali o sablay ang implementasyon sa GCTA Law na nagpalaya sa napakaraming convicted inmates na sangkot sa karumal-dumal na krimen.

Dapat ay matigil na ang korapsyon sa BuCor at ito ay kung may totohanang mapaparusahan na opis­yal at tauhan upang hindi na pamarisan ng iba pa.

Nakakadala na ka­si na napakaraming im­bestigasyon ang ginawa sa Senado pero wala rin namang nangyari sa kaso at marami pa nga sa mga inaakusahan ay ma­layang nakakapamuhay at nilalasap ang sarap mula sa mga nakaw na yaman.