Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sana walang ibang kakaharaping problema sa bakuna

0 122

MARAMI sa ating mga kababayan ang umaasa na sa pagdating ng bakuna ay magkakaroon na ng malaking pagbabago kahit alam naman nating hindi na kayang baguhin ng bakuna ang pamumuhay nating binago ng pandemya.

Katunayan ay hindi basta-basta ang ginagawang paghahanda ng iba’t-ibang lokal na pamahalaan upang sa pagdating ng inaasahan nating bakuna laban sa COVID-19 ay may nakahanda na tayong sistema.

Ang pamahalalang lokal ng Lungsod ng Maynila ay nagsagawa ng action center na nakahandang sumagot sa lahat ng mga katanungan ng kani-kanilang nasasakupan na nais magparehistro para maturukan ng bakuna laban sa COVID-19.

Nagtalaga na rin ang Lungsod ng paunang bayad para sa pag-aangkat ng bakuna at maging ang 18 vaccination sites na kanilang gagamitin ay naisaayos ng lahat at target nilang makapagbakuna ng 18,000 katao araw-araw.

Ang pamahalaang lokal ng Iloilo City naglagak na rin ng advance payment para sa pag-aangkat ng 600,000 doses ng COVID-19 vaccine na tinatayang aabot ng mahigit sa 28 milyong piso.

Ang 600,000 doses ay nasa 60 porsiyento lamang umano ng populasyon ng buong siyudad na lahat ay nais namang magpabakuna para sa kanilang proteksiyon.

Ang sunud-sunod na pag-angkat ng mga lokal na pamahalaan ay alinsunod sa nilagdaang memorandum order 51 ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang Pebrero 18 na maaari nang magbigay ng 15 porsiyentong advance payment ang mga lokal na pamahalaan sa pag-aangkat ng bakuna.

Ang 79 porsiyento naman ng residente ng Pateros ay nais magpabakuna ayon mismo sa isinagawang survey ng lokal na pamahalaan upang na nilahukan ng may 550 respondents bilang paghahanda rin sa pagdating ng bakuna.

Sa Angeles City ay nagbuo naman sila ng working committee na siyang mag-aasikaso para sa may 411,634 residente sa kanilang nasasakupan na nais magpabakuna.

Ang naturang working committee ang siyang nakatalaga sa pagpaplano at pag-oorganisa ng COVID-19 vaccine rollout sa buong siyudad kabilang na ang storage at handling ng bakuna hanggang sa makarating ito sa 33 barangay ng nabanggit na lugar.

Maging ang Davao City Council ay inaprubahan na sa ikatlong pagbasa ang COVID-19 immunization ordinance na naglalayong makapaghanda ang kanilang lugar sa pagdating ng inaasahang bakuna na may kaakibat pang electronic immunization registry na magsisilbing platform para sa masterlist at registration ng mga nais magpabakuna.

At halos lahat ng lokal na pamahalaan sa buong bansa ay may kaniya-kaniyang paghahanda matapos na ianunsiyo ni National Task Force on COVID-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na tanging ang nakahandang lokal na pamahalaan lamang ang unang bibigyan ng bakuna.

Ang ipinangakong bakuna na inaasahang darating bansa sa gitna ng Pebrero ay naantala at nausog ang pagdating sa mga unang linggo umano ng Marso na nagbigay ng kaunting alalahanin sa ating mga kababayan.

Lalo pa at may mga mayor na nagbibigay ng pahayag na sa kasalukuyan umano ay marami na sa kanila ang nakapagbigay na ng advance payment ngunit sa susunod na taon pa darating ang inaangkat nilang bakuna.

Alam naman natin na kontrolado ng pamahalaan ang sitwasyon ngunit dahil sa pagkakaantala ay naramdaman ng marami ang pagnanais ng maraming bansa na makakuha ng bakuna.

Sana ay makita ito ng marami na ayaw magpabakuna dahil sa iba’t-ibang kadahilanan na tanging ang bakuna lamang sa ngayon ang nakikitang solusyon laban sa COVID-19.

Ngayon handa na ang buong bansa, ay tanging ang pagdating na lamang ng bakuna ang hinihintay at sana ay hindi ay hindi tumugma ang kutob ng marami na inabot na tayo problema sa pag-aangkat ng bakuna.

Leave A Reply

Your email address will not be published.