Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sanaol maging masuwerteng benepisyaryo ng P10K ayuda

0 253

Manhid na ba ang mga mambabatas sa Kamara kaya dedma sa tunay na pangangailangan ng taumbayan?

Naitanong namin ito dahil mistulang bulag, pipi at bingi ang Kamara sa isinusulong na P10K Ayuda Bill na isinusulong ni dating Speaker Alan Peter Cayetano at ng kanyang grupong “Back To Service” (BTS). Halos apat na buwan na nang isumite ng grupo ni Cayetano ang P10K Ayuda Bill pero mega dedma ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na ang ginusto ay ang P1K ayuda sa bawat Pilipino sa ilalim ng Bayanihan 3 na inaprubahan na sa committee level.

Mabuti na lang at sa kabila ng oplan dedma ng Kamara ay hindi tumigil ang grupo ni Cayetano sa pagsasariling sikap para makapagbigay ng P10K ayuda sa ilang mapapalad na benepisyaryo. Kahit pailan-ilan ay naipagpapatuloy ng grupo ni Cayetano ang inumpisahang P10K ayuda kaya naman ngayon ay umaabot na pala sa mahigit 500 ang naging benepisyaryo nito.

Nito lamang Biyernes ay nakapamigay muli sina Cayetano ng P10K ayuda sa 300 residente ng lalawigan ng Laguna at sinaksihan mismo nina Cong. Dan Fernandez, Sol Aragones at mga mayor ng iba’t ibang bayan ng Laguna ang pamimigay ng P10K ayuda. Noon namang Labor Day, nakapamigay din ng P10K ayuda ang grupo sa 200 benepisyaryo. Mayroon pang naunang 38 benepisyaryo ang nabigyan ng P10K ayuda bago ang Araw ng Paggawa.

Kung ito ngang grupong ito nina Cayetano na nagsusumikap para maabutan ng P10K ayuda ang mga naghihikahos nating kababayan ay nakakausad sa kanilang adhikain, mas lalong higit na magiging epektibo at pangmalawakan ito kung aaksyunan lamang ng Kamara ang P10K Ayuda Bill sa halip na ipagpilitan ang P1K ayuda na nagmimistulang limos lamang sa taumbayan.

Napakalaking kaibahan ng P10K sa P1K. Ang isanlibo, dalhin mo lamang sa palengke o grocery ay hindi pa makakapuno ng malaking bayong o ecobag. Pero angP10K puwedeng pang-umpisa ng maliit na negosyo tulad ng tindahan, fishball, gulay, prutas, dried fish at iba pa. Maliit na puhunan na kung sasabayan ng sipag at tiyaga ay malayo ang mararating.

Kasama sa mapapalad na benepisyaryo ng P10K ayuda nina Cayetano ang isang magtitinapay sa Caloocan. Bago nabigyan ng P10K ayuda ay P300 lamang kada araw ang kinikita ng magtitinapay dahil tingi-tingi lamang ang kanyang binibiling harina at asukal para sa pagluluto ng tinapay na kanyang ibinebenta. Pero nang matanggap ang P10K ayuda mula sa grupo ni Cayetano ay namili agad siya ng sako-sakong harina at asukal. Kaya naman ngayon ay umaabot sa P1,200 ang kanyang kinikita bawat araw. Dahil sa P10K ayuda, naibangon ang isang naghihikahos nating kababayan. Pinatunayan nito na malayo ang mararating ng P10K ayuda kung mabibiyayaan nito ang isang karapat-dapat na benepisyaryo.

Sana makita rin ng mayorya sa ating mga mambabatas na may pag-asa ang naghihikahos nating kababayan kung bibigyan sila ng tunay na tulong at hindi limos lamang. Sana ay manaig sa kanila ang pagmamahal sa ating mga kababayan na sinumpaan nilang paglilingkuran at hindi sa iilang taong nasa poder ng kapangyarihan na tila pader na ayaw nilang banggain.

Itaguyod na sana ang P10K Ayuda Bill dahil ang sampung libong pisong ayuda ay sampung libong pag-asa ang katumbas para sa naghihirap nating kababayan. Hanggang kailan ba pagkakaitan ng pag-asang ito ang mga kababayan nating lugmok na lugmok na sa pandemya? Kung patuloy na pababayaan ang grupo ni Cayetano sa pangangalap ng pondo katulong ang ilang bukas palad na indibidwal at grupo, kakaunti lamang ang kanilang magiging benepisyaryo. Para maparami ang mapapalad na benepisyaryo, kailangang mapansin, maaskyunan at maipasa sa Kongreso ang P10K Ayuda Bill.

Sa mga manhid nating kongresista, kilos na habang may panahon pa. Sanaol maging masuwerteng benepisyaro ng P10K Ayuda.

Leave A Reply

Your email address will not be published.