Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sandamakmak na deputy speaker ni Velasco

0 309

Noong una ay hindi malaking isyu para sa atin ang pagtatalaga sa mga kongresista sa iba’t ibang posisyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Gayunman ay alam nating dagdag werpa ito sa mga napipisil na kongresista para mamuno sa isang komite at mahanay sa mga pinagpipitaganang opisyal ng Kamara.

Pero naging interesado tayo sa mga ganap sa Kamara dahil sa pagtatalaga ni House Speaker Lord Allan Velasco ng 29 mga deputy speaker.

Sabi nga ng political analyst na si Mon Casiple, maituturing na isang scandal ang nangyayari ngayon sa House of Representatives na mayroong 29 House Deputy Speaker.

Ang 29 Deputy Speaker pala ang pinakamataas sa kasaysayan ng Kamara at nangyari ito kay Velasco.

Ayon sa batikang political analyst hindi kailangan ng ganoong karaming Deputy Speaker(DS) lalo na’t wala naman itong naipakitang nagagawa, habang dumarami ang itinatalagang Deputy Speaker ay dumarami lamang ang gastos.

Isang plum post ang pagiging deputy speaker sa Kamara dahil bukod sa pagiging senior position ay may kaakibat din itong perks gaya ng budget na P200M at pagkakaroon ng voting powers. Hindi ba’t napakabongga naman kung isa ka sa mga ito.

Kumbaga ay tiba-tiba talaga sa kadatungan.

Bukod sa malaking ganansiya sa mga itinatalagang deputy speaker ay kinumpirma rin ni UP Political Science Assistant Professor Jean Franco na habang dumarami ang Deputy Speaker ay nadaragdagan din ang gastos.

Ito ay dahil kailangan ng itinalagang deputy speaker ng bagong opisina, dagdag na staff at budget. Bukod ito sa regular na budget at staff sa opisina ng isang mambabatas.

SM food to go Banner Ad

Hindi ba’t sobrang luho naman ng ganitong kalakaran.

Dahil nga sa ganito kabonggang budget ng mga mambabatas ay umabot ayon sa 2017 Commission on Audit(COA) report sa P4.89B ang gastos sa mga expenses sa mga tanggapan ng mga kongresista, ito ay para lamang sa 14 deputy speaker.

Kaya ngayong 29 na ang itinalagang deputy speaker ni Velasco tiyak na doble ang gastos dito ng gobyerno.

Ang tanong Speaker Velasco, kailangan ba talaga ng ganyang karaming deputy speaker?

Aba’y paglulustay lang sa kaban ng bayan ang sangkaterba mong deputy speaker dahil sa malaking budget na nakalaan sa kanila.

Kung nagawa naman ng dating mga House Speaker ang limitadong deputy speaker, bakit hindi ninyo kayang gawin?

Dahil sa paglobo sa 29 ng deputy speaker ay makukumbinsi ang taumbayan na political accommodation ang nangyari. Nabigyan ng puwesto ang mga kongresista naging bahagi ng pagkakaluklok bilang House Speaker ni Velasco.

Ang pinakahuling siyam pang sumuporta kay Velasco sa speakership row ay niluklok na Deputy Speakership ay sina Arnolfo Teves Jr, Negros Oriental 3rd District; Rimpy Bondoc, Pampanga 4th District; Bernadette Herrera Dy, Bagong Henerasyon; Kristine Singson Meehan, Ilocos Sur 2nd District;Divina Grace Yu, Zamboanga del Sur 1st District; Rogelio Pacquiao, Sarangani; Bienvenido Abante Jr, Manila 6th District at ang dalawang kinatawan ng Valenzuela na sina 2nd District Rep.Weslie Gatchalian at 1st District Rep Eric Martinez.

Si Las Pinas Rep. Camille Villar ay itinalaga din bilang DS subalit tinanggihan nya ito, sa website ng Kamara ay makikita pa rin ang pangalan ni Villar bilang Deputy Speaker, kung hindi tatanggapin ni Velasco ang kanyang pagtanggi sa puwesto ay nasa 29 ang DS.

Isa pang nakakagigil na ganap sa Kamara ay ang pag-iingay dati ni Teves sa isyung hindi patas na hatian sa pondo ng mga mambabatas sa ilalim ng pamumuno ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano subalit nang maipasa ang P4.5-trillion 2021 budget sa ilalim ng pamumuno ni Velasco ay lumitaw na mas tumaas pa ang budget ng mga kongresista na nabigyan ng P650M hanggang P15B bawat isa na infrastructure allocation.

So sino ngayon ang mas hayok sa kapangyarihan at pondo?

Leave A Reply

Your email address will not be published.