Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sandata laban sa COVID

0 547

Habang nadadagdagan ang mga buwan ay lalong humahaba ang listahan ng mga Pilipinong nagkakasakit sa COVID-19, at nadadagdagan rin ang namamatay dahil sa bagsik ng virus.

Maramj na ang testing centers at laboratoryo na sumusuri sa mga sumaillalim sa COVID test kaya naman mataas ang mga natutuklasang kontaminado ng nabanggit na sakit.

Wala pang natutuklasang bakuna o gamot ang mga eksperto laban sa COVID-19 kaya naman paulit-ulit na nakikiusap ang gobyerno sa mga Pilipino na gawin at sundin ang mga pag-iingat para makaiwas at hindi makapitan ng nakamamatay na virus.

Nakatutok ngayon ang gobyerno sa pagtukoy sa mga posibleng nakontamina ng COVID-19 kaya mayroong rapid test na kapag nagpositibo ay agad isinasailalim sa swab test o Polymerase Chain Reaction (PCR) test.

Torture para sa isang tao kapag sumailalim sa swab test dahil hanggat hindi lumalabas ang resulta ay sari-saring isipin ang
naglalaro sa utak nito na ang pinakamalala ay isiping kamatayan ang kasunod.

Para sa iba, kapag nagpositibo sa COVID -19, ang iniisip ay death sentence na ito, at suwerte na lamang kung makaligtas o malagpasan ang pagsubok.

Hindi nagpapabaya ang mga opisyal ng gobyerno, at katunayan, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nananawagan sa sambayanan na sundin ang mga pangunahing aksiyon para hindi mahagip ng bagsik ng COVID-19. Ito ang tanging sandata ng bawat Pilipino para makaiwas sa coronavirus.

Ano-anong sandata ang mga ito? Kung napapanood ninyo ang regular press briefing sa Malacañang, madalas itong banggitin ni Presidential Spokesman Harry Roque at nakasulat pa sa malalaking letra sa kanyang harapan: magsuot ng face mask, maghugas ng kamay, at sundin ang social distancing .

Simpleng paraan ito ayon sa opisyal para makaiwas sa COVID-19 at mapabagal ang pagkalat ng sakit sa buong bansa.

Kung matatandaan po ninyo sa isa sa mga talumpati ni Pangulong Duterte ay nanawagan ito sa sambayanan na manatili lamang sa bahay kung wala rin lang importanteng gagawin para hindi matamaan ng COVID-19.

Pero kung ayaw aniyang magpasaway ay malayang lumabas ang mga ito at gumala habang may community quarantine, subalit huwag sisihin ang gobyerno kapag mayroon ng COVID-19 ang mga ito.

Simple lang naman ang pakiusap ng gobyerno sa mga tao: gamitin ang sandata para labanan at pabagalin ang kontaminasyon ng COVID-19 sa bansa, at ito ay magagawa lamang kung mayroong disiplina at sumunod sa social distancing, palaging paggamit ng face mask kapag lumalabas ng bahay at malimit maghugas ng kamay o gumamit ng disinfectant. Hindi naman mahirap gawin din po ba?

Tulungan po natin ang ating mga sarili at ang gobyerno para hindi na madagdagan pa ang mahabang listahan ng mga Pilipinong nagkasakit at namatay dahil sa COVID-19.

Leave A Reply

Your email address will not be published.