Dinismis ng Sandiganbayan ang graft case laban kay dating Iloilo City Mayor at ngayo’y Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jed Patrick Mabilog kaugnay ng towing contract ng pamahalaang lungsod.
Ayon sa Third Division ng anti-graft court, sapat ang mga alegasyon sa charge sheet para maitatag ang mga elemento ng graft case, pero sobrang tagal ng pag-usad ng kaso bago ito naisampa sa korte.
Naghain ng reklamo laban kay Mabilog noong Abril 2015, habang inirekomenda ang pagsasampa ng kaso noong 2017 at pinagtibay noong 2019. Gayunman, Marso 2023 lamang naisampa sa Sandiganbayan ang graft case.
Hindi tinanggap ng korte ang paliwanag ng Office of the Ombudsman tungkol sa pagkaantala, kabilang ang sinasabing transition period sa pagitan ng mga naging Ombudsman.
Sinabi ng Sandiganbayan na napapanahon namang iginiit ni Mabilog ang paglabag sa kanyang karapatang magkaroon ng speedy disposition of cases. Dahil dito, idineklara ng korte na nilabag ang constitutional right ni Mabilog sa mabilis na pagresolba ng kaso at tuluyang ibinasura ang graft case.
Inakusahan si Mabilog na nakipagsabwatan kay Councilor Plaridel Nava II sa kasunduan sa 3L Towing Services na inatasang magpatupad ng clamping ordinance ng Iloilo City. Dapat umanong mapunta sa kompanya ang 70% ng mga nakolektang multa. (Prince Golez)











