Abante Tonite Interactive

Sandoval masaya sa First 1,000 Days Nutrition Program

306

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11148 o ang First 1,000 Days Law na isinulong ni Malabon Congressman Ricky Sandoval kaisa ng kanyang mga kasamahan sa mambabatas na naglalayong pataasin at tutukan ang wastong nutrisyon ng mga ina at kanilang supling sa unang 1,000 na araw ng kapanganakan.

Sa ilalim ng batas na ito, inu­utusan ang sangay ng pamahalaan na may kinalaman sa kalusugan na isaalang-alang at gawing prayoridad ang tamang pangangalaga sa kalusugan ng mga buntis, mga nanay na nagpapasuso, adolescent na mga kababaihan, at mga bagong panganak na sanggol hanggang dala­wang taon upang maiwasan ang pagbagal ng paglaki ng mga bata at makaiwas sa iba’t ibang uri ng sakit. Kailangang sila ay makakuha ng pagkaing wasto para sa kanilang edad, sapat na bakuna, deworming at iba pa.

“Sa pamamagitan ng batas na ito, ipinagbubuntis pa lamang ang mga bata ay nakaantabay na ang serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan. Prevention is better than cure kaya natin isinulong ang batas na ito upang maagapan at mabawasan na ang kaso ng mga batang lumalaking kulang sa timbang, malnourished, at sakitin dahil na rin sa hindi wasto at sapat na batayang serbisyo. ­Malaking tulong ito sa mga ina at supling na taga-Malabon na nakararanas ng parehong kaso ng malnutrisyon at iba’t ibang sakit. Ngayon, mas mara­ming bata na ang magi­ging malusog mula sa sinapupunan pa lang ng kanilang ina hanggang sa ­kanilang paglaki,” wika ni Congressman Sandoval.

Sa loob ng RA 11148, mayroong mga nakatakdang gawain sa mahahalagang araw ng pagbubuntis ng mga kababaihan mula sa apat na pre-natal care visits sa first 270 days (concepcion) at sa first 550 days. Layunin din ng batas na maibsan ang paghihirap ng mga ina sa pamamagitan ng adhikaing maipasok sa PhilHealth ang gastusin sa mga serbisyong medikal. ­Maging sa oras ng sakuna ay inaatasan nito ang National Disaster Risk Reduction and Management Council na gawing prayoridad ang mga buntis at supling lalo na ang mga nasa di­saster prone areas at nakatira sa mga liblib at delikadong lugar.

Ayon sa pag-aaral, 95 na bata na may edad lima pababa ang nakararanas ng undernutrition at 3.6 milyong bata ang may ­mahinang development habang 800,000 ang malnourished na bata sa ­ating bansa.