Abante Tonite Interactive

Sandra Cam kinasuhan sa pinatay na vice mayor

665

Sinampahan ng kasong murder ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board member Sandra Cam kaugnay sa pagpatay kay Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III noong nakaraang taon.

Bukod kay Cam, kasama rin sa nirekomenda ng NBI na kasuhan ay ang anak nitong si Marco Martin at limang iba pa na pinangalanang sina Nelson Cambaya, Junel Gomez, Bradford Solis, Juanito de Luna, at Rigor dela Cruz.

Ayon sa NBI Death Investigation Unit, sina Cambaya, Gomez, Solis, De Luna at Dela Cruz ay mga ‘tao’ ni Cam na siyang utak ng pagpatay umano kay Yuson.

Matatandaang pinatay si Yuson sa Sampaloc, Maynila noong Oktubre 2019.

Nahagip ng CCTV camera ang sasakyang ginamit ng mga suspek sa krimen.

Una nang inakusahan ni Lalaine, asawa ni Yuson, ang nabanggit na PCSO official na utak diumano ng pagpatay sa bise alkalde at iginiit na politika ang motibo matapos talunin ng anak ni Yuson na si Charmax ang anak ni Cam sa mayoralty election sa Batuan noong 2019.

Mariin namang pinabulaanan ni Cam na may kina­laman siya sa pagpatay kay Yuson.

Tumayong complainant sa isinampang kaso ng NBI sa DOJ ang biyuda ni Yuson. (Nancy Carvajal/Juliet de Loza-Cudia)