Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sanggol, 2 pa tigok sa nag-overtake na Mazda

0 134

PATAY ang tatlo katao kabilang ang isang baby girl matapos suwagin ng kotseng Mazda ang sinasakyang tricycle sa Barangay Limmansangan, Binalonan, Pangasinan nitong Biyernes ng madaling araw.

Sa exclusive interview ng Abante Tonite kay Binalonan Police Station investigator P/Cpl. Elmar Mapalo sa pamamagitan ng telepono, kinilala ang biktima na sina Jimmy Pasain, tricycle driver, baby nitong si Jeanmar, 1, at si Adelyda Dacuan, pawang nakatira sa nasabing barangay.

Base sa report, sinabi ni Mapalo na nangyari ang insidente alas-5:32 ng madaling araw sa Barangay Limmansangan habang nasa biyahe si Pasain kasama ang kanyang anak (Jeanmar) upang ihatid ang pasaherong si Dacuan sa bayan ng Laoac, Pangasinan.

“Isinama ni Jimmy ang kanyang anak upang ihatid itong si Adelyda sa Laoac dahil pumunta ang nanay ng bata sa palengke upang magtinda at walang magbabantay sa bata,” ani Mapalo.

Sa kanilang paglalakbay, biglang nag-overtake ang Mazda 3 na may plakang IAD-4011 na minamaneho ni Darwin James Alonzo, 19, ng Villasis, Pangasinan at hindi nakita ang kasalubong na tricycle.

Sa tulin ng kotse, tumilapon ang nasalpok na tricycle ilang metro mula sa pinangyarihan ng insidente.

Agad na isinugod sa ospital ang mga biktima ngunit sila ay dead-on-arrival na. (Allan Bergonia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.