Abante Tonite Interactive

Sanggol kinidnap ng online seller

610

Nahaharap ngayon sa kasong kidnapping ang isang ginang na online seller matapos magpanggap na miyembro ng Foster Parent Group at tangayin ang isang baby ng kanyang kapwa ina matapos pangakuang tutulungan ang kanyang anak sa problemang pinansiyal sa Quezon City nitong Lunes nang umaga.

Kinilala ni Novaliches Police Station 4 commander P/Lt. Col. Rossel Cejas, ang suspek na si Judy Macaya Tolentino, 42, Online Seller, tubong Balanga, Bataan at taga-5388-A Fruit Salad St., Santolan Road, Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Jinky P. Dela Trinidad, alas-kuwatro nang madaling-araw nitong Hulyo 20,

nagtungo sa himpilan ang ina ng sanggol na si Angela, 24, housewife, ng Brgy. Bagbag, Novaliches, QC kasama ang kanyang mister at kapitbahay na si Joy Payopay, at ini-report na nawawala ang kanyang baby.

Una dito, nagpanggap umano si Tolentino na miyembro ng Foster Parent Group at nag-alok ng ‘financial assistance’ sa anak ng biktima at napaniwala si Angela.

Kasunod noon ay sinabi ng supek kay Angela na dadalhin niya ang bata sa kanyang co-worker para sa ‘breast feeding’ at pinangakuan ang nanay nito na ibabalik ang anak pagkalipas lamang ng 30-minuto.

Iniwan pa umano ni Tolentino ang kanyang BPI check na nagkakahalagang P10,000 para paniwalain na ibabalik agad ang bata na hindi naman ginawa at hindi na rin makontak ang suspek.

Alas-siyete nang umaga (Hulyo 22) ay naaresto nina P/SSgt. Alexander Icban at P/Cpl. Soriel Barangan ng Novaliches Police ang suspek sa loob ng 7-Eleven convenience store sa Quirino Highway, Brgy. Sta. Monica, Novaliches sa tulong ni Payopay.

Nakumbinsi umano ng mga kaanak ng suspek sa pamamagitan ng text message na ibalik ang bata at ibabalik ang tseke niyang P10,000 saka buburahin sa facebook ang naka-post laban sa kanya.

Ang suspek ay nakapiit ngayon sa Novaliches Police at nahaharap sa kasong kidnapping. (Dolly Cabreza)