Abante Tonite Interactive

Sanggol nabigti sa duyan

By
4,042

Namatay ang isang sanggol na mahigit isang taong gulang pa lamang matapos na mabigti ito sa duyan sa loob ng kanilang bahay sa Baseco Compound, Port Area, Maynila alas-10:50 ng umaga kamakalawa.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Michael Marragun ng Manila Police District-Homicide Section, pan­samantalang iniwan ng inang si Rosalinda Abriu sa dalawa niyang anak na lalaki na parehong mga menor de edad pa ang kanyang bunso na si Rovelyn habang natutulog ito sa duyan sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

Umalis ang ginang para mangutang ng bigas pero habang wala siya ay iniwan naman ng dala­wang kapatid ang kanilang bunso na natutulog sa duyan at nakipaglaro sa kanilang mga kapitbahay.

Pagbalik sa kanilang bahay ay tinawag ni Rosalinda ang mga anak para kumain na sila pero laking gulat niya pag-akyat sa ikalawang palapag nang makita ang bunso na na­kabigti sa duyan na gawa sa nylon na lubid.

Mabilis na sinaklolohan ng ginang ang bunsong anak at isinugod sa Justice Jose Abad Santos General Hospital sa Binondo pero idineklara itong patay na.

Sa pag-iimbestiga ni SPO1 Marragun ay nakitaan ng bakas ng lubid sa leeg ng sanggol.

Aniya, posibleng na­gising ito at nang lumikot ay nahulog at nabigti sa duyan.