Abante Tonite Interactive

Sanggol natabunan ng unan, dedbol

120

Namatay ang isang bagong silang na sanggol matapos na hindi makahinga nang madaganan ng unan sa loob ng kuwarto ng kanilang bahay sa Barangay San Jose, Quezon City, Sabado ng gabi.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PMSg. Roldan Cornejo ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nangyari ang insidente dakong alas-kuwatro ng hapon sa bahay ng isang pamilya Marcial na nakatira sa Bonifacio Avenue, Brgy. San Jose.

Nabatid na may sampung araw pa lamang mula nang isilang ang sanggol na pinangalanang Jane Katherene.

Ayon sa inang si Dana Kathrene, iniwan niya ang kanyang sanggol sa kuwarto para bumili ng gatas nito pero pagbalik niya ay nakitang natatakpan ng unan ang mukha ng sanggol.

Agad na inalis ng ginang ang unan sa mukha ng sanggol pero nagulat na lamang siya dahil nangingitim na ito at hindi na humihinga.

Isinugod pa ang sanggol sa Chinese General Hospital pero idineklara itong dead-on-arrival bandang alas-4:06 ng hapon ni Dr. Stephanie Lee.

Sa pulisya, tumanggi nang paimbestigahan ng mga magulang ang sinapit ng sanggol at iginiit na aksidente ang nangyari. (Dolly ­Cabreza)