Abante Tonite Interactive

Sangla hayop sa mga bakwit pinoporma ng DA

310

Naglalatag na ang Department of Agriculture (DA) ng programa kung saan maisasangla ang mga baka, kabayo, kambing at iba pang alagang hayop ng mga magsasaka na apektado ng pagsa­bog ng Bulkang Taal sa Batangas para hindi ito katayin o ibenta nang palugi ngayong gipit pa ang mga tao doon.

Sabi ni Agriculture Secretary William Dar, tinitingnan ng kagawaran ang flat rate na P8,000 na sanglaan sa mga baka at kabayo para may pangtawid na panggastos ang mga taong lumikas sa pag-aalburuto ng bulkan.

Ayon kay Dar, may pagkakataong bawiin ng mga bakwit ang kanilang mga alagang hayop kapag nakagaan na sila.

Aniya, mahalagang mapangalagaan ang mga hayop na ito para mayroon agad na magagamit kapag naging normal na ang sitwasyon.

Sabi ni Dar, hindi kasama sa sanglaan ang mga baboy dahil may hiwalay na programa para dito. (Eileen Mencias)