Abante Tonite Interactive

Sangley Airport inaayos na para sa domestic flight

450

Inatasan ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade ang mga ahensya sa ilalim ng kanyang tanggapan na ayusin sa lalong madaling panahon ang Sangley Airport sa Cavite.

Kasunod ito ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang nasabing paliparan para sa mga domestic flight matapos ang naranasang aberya sa Ninoy Aquino International Airport kung saan maraming flight ang naantala kamakailan.

Sa kanyang direktiba, sinabi ni Tugade na kailangang matapos sa lalong madaling panahon ang pagkukumpuni sa Sangley Airport alinsunod sa itinakdang timeline ng Pangulo.

Kaugnay nito, nabatid na naki­pagpulong na si DOTr Assistant Secretary for Procurement and Project Implementation Giovanni Lopez sa mga miyembro ng Task Force Sangley noong Miyerkoles.

Kabilang sa mga dumalo sa pulong ang mga kinatawan mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Philippine Air Force (PAF), ferry system at project contractor.

Sinabi ni Lopez na ginagawa na ngayon ang runway, apron, passenger terminal building, power supply, drainage system at site development ng Sangley Airport.

Nagsagawa rin umano ng ocular inspection ang mga miyembro ng task force para sa posibleng pagtayuan ng ferry station kung saan inatasan ang contractor na tapusin ito sa loob ng dalawang buwan at alinsunod sa mga regulasyon ng Philippine Ports Authority, CAAP, PAF at Philippine Navy.