Abante Tonite Interactive

Sapat ba ang P31K para ‘di mag-abroad ang mga nurse?

0 254

Simula sa Enero 2020, matatanggap na ng mga government nurse ang dagdag sa kanilang suweldo alinsunod sa itinatakda ng batas. Tiniyak ito ng mga senador matapos ipasa ang panukalang P4.1 trilyong national budget kung saan nakasapin ang alokasyon para sa dagdag suweldo ng mga nurse.

Nitong Oktubre lamang, nagdesisyon ang Supreme Court (SC) na ang salary grade ng mga nurse ay dapat nasa 15 at hindi 10 o 11, alinsunod sa Republic Act 9173 o ang 2002 Philippine Nursing Act. Ang salary grade 15 ay may katumbas na suweldong P31,545 kada buwan habang ang salary grade 10 o 11 ay may buwanang suweldo na P22,055. Ang problema na lang ay ang pondo para maimplementa ang utos ng SC.

Ginawan naman ito ng paraan ng mga senador sa pangunguna ni Senador Panfilo Lacson. Ang P3 bilyon pondo para sa implementasyon ng desisyon ng Korte Suprema ay kukunin mula sa appropriation para sa staffing modification at pag-upgrade ng suweldo o ang Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF). Dahil ang pondo ay nasa MPBF, hindi na kaila­ngang hintayin pa ng mga nurse ng gobyerno sa pagpasa ng batas o availability ng pondo na dapat ibigay ng Department of Budget and Management.

Isa tayo sa natutuwa sa pagtaas ng suweldo ng mga nurse. Kahit paano ay makatutulong din ito sa mataas na presyo ng bilihin at serbisyo sa bansa. Pero nakatitiyak tayong hindi makukuntento sa P31K na suweldo. Saan sila makakakuha ng mala­king suweldo? Siyempre sa abroad.

Sa Amerika, pumapalo sa $80,000 hanggang $100,000 ang taunang suweldo ng mga nurse. Ibig sabihin nito, sa $80,000 kada taon, $6,666 ang suweldo nila kada buwan o katumbas na P338,000 kada buwan. Para kitain ng mga nurse sa ‘Pinas ang P338,000 halos 11 buwan nila itong pagtatrabahuan.

‘Di ba’t kaya dumami ang mga nag-aaral ng kursong nursing ay dahil sa pangarap na malaking kita kapag nakapagtrabaho sa abroad? Bago pa lang siya mag-enroll, ito na ang nasa isipan ng estudyante at ng kanyang magulang. Sa abroad kasi magkakaroon ng katuparan ang pangarap nilang magkaroon ng magandang pamumuhay tulad ng pagkakaroon ng sariling house and lot, kotse at iba pang ari-arian.