Abante Tonite Interactive

Sapat na ba si Tim Cone?

422

Marami ang nagbubunyi tapos ianunsyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na si Tim Cone na ang magiging susunod na PH team coach para sa parating na 30th Southeast Asian Games 2019 sa bansa sa Nobyembre 30-Disyembre 11.

Kung titingnan ang resume ni Cone, wala nang dapat hilingin pa ang Gilas Pilipinas. Siya lang naman ang pinakamaraming kampeonato sa PBA sa nasungkit na 21 titulo, sahog pa rito ang dalawang grand slam na tanging siya pa lang ang nakagagawa.

Dagdag din ang respeto ng mga manlalaro sa kanya, paniguradong madali nitong mapapatalima ang mga susunod na manlalaro ng national team na pinaghalong mga professional at mga amateur player.

Pero dapat na bang makumpiyansa ang mga Pinoy dahil kay Cone?

Klaro ang paliwanag ng Ginebra coach sa pagtanggap niya ng posisyon, para sa kanya ay isa itong ‘stop-gap’, ibig sabihin ay para sa SEA Games lang ang commitment ni Cone sa pagtimon sa Gilas.

Walang duda si Cone na marahil ang pinakamahusay na mentor sa local basketball scene, ngunit nakadepende pa rin ang magiging resulta kung paano at gaano katagal ang ibibigay sa kanya para manduhan ang koponan bago ang tournament.

System at continuity coach si Cone, bago naging ganap na champion-caliber ang Ginebra ay kinailangan din ng taon para mamaniobra ang crowd favorite team tungong kampeonato.

Dalawang buwan na lang ang nalalabi para sa SEA Games, at kahit pa namumuro ang ‘Pinas na magkampeon dito ay hindi pa rin dapat makumpiyansa dahil sumasabay na rin ang ibang kapitabahay natin sa rehiyon pagdating sa basketball.