Abante Tonite Interactive

Sapat na silid-aralan, importanteng hakbang tungo sa kalidad na edukasyon

By
482

Ang pagkakaroon ng sapat at maayos na silid-aralan ay isa sa mga hakbang upang gawing kaaya-aya ang pag-aaral at hikayatin ang mga bata na pumasok sa eskwela. Sa kasamaang palad, hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nakakamit sa maraming pampublikong paaralan.

Sa tantya ng DepEd, kulang pa ng higit apatnapung libo ang silid aralan sa ating mga pampublikong paaralan. Kaya naman para sa marami, ang pagtatalaga ng tatlong shift – kung saan ang unang shift ay nagsisimula ng alas sinko y medya sa umaga at ang huli ay natatapos ng alas otso sa gabi – ang tanging paraan upang mapagkasya ang lahat ng mag-aaral sa isang araw.

Kawawa ang mga bata na gumigisng ng sobrang aga o kaya naman sa delikadong oras na nakakauwi, kawawa ang mga magulang na naghahatid at nagsusundo, at sa huli kawawa ang pamilya dahil bihira na may oras na makapaghapunan ng sama-sama. Ganito ang sitwasyon na aking dinatnan nang ako ay unang naupo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Marikina.

Abante Hiring – IT dep

Bigo ang maraming pinuno na mapunan ang kakulangan ng silid-aralan dahil sa kombinasyon ng kakulangan ng pera, koordinasyon, at kagustuhang masolusyonan ang problema. Sa aking distrito, kami ay pinalad at nagbunga ang aming sipag at tiyaga.

Ang naging susi ay ang pagkakaroon ng iisang stratehiya na nakamit dahil sa malapit na pakikipagtulungan sa sektor ng edukasyon sa distrito, kasama ang mga principal, mga magulang, at ang buong komunidad. Nakatulong rin ang walang humpay na pagkausap at pag-himok kina Bro. Armin Luistro at Hon. Leonor Briones, ang dati at kasalukuyang Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon.

Sa pangkalahatan, higit pitong daang silid-aralan na ang napatayo mula 2010 hanggang sa kasalukuyan. Halos kalahati na ng mga paaralan sa Marikina ay single shift na! Marami ang hindi na kailangan pumasok ng sobrang aga o umuwi ng gabi. Ang mga guro ay nakakapagturo na sa mas maayos na kapaligiran. At ang mga bata ngayon ay mas na-eengganyong pumasok.

Hindi pa tapos ang trabaho sa aking distrito at lalung-lalo sa ibang bahagi ng bansa. Ngunit sa tulong mula sa pambansang pamahalan, sapat na atensyon mula sa ating mga lingkod bayan, at maayos na koordinasyon ng DepEd, makakamit rin natin ang isang importanteng hakbang tungo sa de kalidad na edukasyon.