Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sara-Digong 2022, lahat tumba!

0 1,016

Kinukumbinsi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo si Pangulong Rodrigo Duterte para ipagpaliban muna ang pagreretiro sa politika sa halip ay tumakbo uli bilang vice president ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa 2022 election.

Naniniwala si Panelo, nagsilbing campaign lawyer ng Pangulo noong 2016 election, na walang katalo-talo sa eleksyon ang Duterte-Duterte tandem.

“Between us, huwag ninyo na lang sasabihin sa iba. Sikreto. Gusto ko

itong Presidenteng ito tumakbong bise presidente sa kanyang tatakbo o

pinatatakbo rin na anak na si Mayor Sara Duterte na presidente. O `di

po ba, ang ganda — Duterte-Duterte. O wala na. Patay na, patay na

oposisyon kapag tumakbo itong dalawang ito,” sabi ni Panelo sa kanyang tv program.

Ayon kay Panelo, dati na ring nag-tandem ang mag-amang Duterte sa Davao City at walang naglakas ng loob na tumakbo pa laban sa kanila.

“Mayor si Presidente Duterte. `Yong vice mayor niya, `yong anak niya na si Mayor Sara Duterte. Maniwala ba kayo nung nag-tandem `yong dalawa, wala nang tumakbo. Paano ka tatakbo, hindi sila lalabas. Ganoon katindi, kalakas,” sabi pa ni Panelo.

Hayagan nang sinasabi ni Pangulong Duterte na mas gusto pa niyang matapos na ang kanyang termino dahil sa labis na pagkadismaya sa kanyang mga kritiko at sa giyera kontra korapsyon ganundin sa kanyang kalusugan.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Inihayag din nito sa publiko ang kanyang apela kay Mayor Sara na huwag tatakbong presidente dahil isa aniya itong “thankless job”.

Subalit hinala naman ng mga nagmamasid sa politika sa bansa na katulad ito ng istratehiya ni Duterte na atubiling kumandidato hanggang sa nagsisimula na ang kampanya.

Naniniwala naman si Panelo na papayag si Sara na tumakbong presidente katulad ng ginawa ng kanyang ama noong 2016.

“Itong dalawang ito parehong ayaw tumakbo. But sabi ko nga kay Mayor

Sara, you have an appointment with history and a date with destiny.

Hindi po ba. Ganyan nangyari kay Presidente noon. 10 taon nating

niligawan, bwinisit na tumakbo. Ayaw niya talagang tumakbo. Pero

naka-destino ka wala kang magagawa, naka-destino ka,” ani Panelo.

Base sa pre-election survey noong Disyembre 2019, lumabas ang tandem ng mag-amang Duterte bilang top candidate para sa pagka-pangulo at bise presidente na ayon kay Panelo ay nagpangiti umano kay Pangulong Duterte.

Sabi pa ni Panelo, ito ngayon ang “emerging idea” ng mga fan at tagasuporta ni Pangulong Duterte na itulak ito sa vice presidential race sa 2022.

Leave A Reply

Your email address will not be published.