Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Saradong sementeryo

0 79

Tradisyon na sa ating mga Pilipino ang sabay-sabay na bumisita sa mga puntod ng mga namayapang mahal sa buhay tuwing November 1 at 2. Paggunita ito sa kanilang alaala noong sila’y nabubuhay pa.

Kaya ang karaniwang eksena sa mga sementeryo, halos di mahulugang karayom. Punung-puno ng mga tao. Family gathering na rin kasi ito para sa marami nating kababayan na matagal nang hindi nagkikita-kita. Sa entrada pa lang ng mga sementeryo, siksikan na dahil sa mahigpit na seguridad.

Ang problema, may umiiral ngayon na health protocols. Bukod sa ipinapayo ng health authorities na social distancing, bawal pa rin ang mass gatherings sa ilalim ng community quarantine.

Nauna nang iniutos ni Manila Mayor Isko Moreno na pansamantalang isara ang mga sementeryo ngayong Undas para maiwasan ang hawahan ng COVID-19. Sumunod din sa direktiba niya ang iba pang lungsod sa Metro Manila gaya ng San Juan at Mandaluyong.

Ang Department of Health, irerekomenda na rin daw sa Inter-Agency Taskforce on Emerging Infectious Diseases ang pagsasara sa mga sementeryo sa buong bansa ngayong Undas.

Ang sa akin lang, tama ang hakbang na ito ng mga local government unit para maiwasan ang COVID-19 transmission. Mahirap isapalaran ang buhay lalo na ngayong may pandemya. Alam kong nauunawaan ito ng mga yumao nating kapamilya.

Isa pa, hindi lang naman tuwing Undas dapat bumisita sa mga kaanak na namaalam na sa mundong ito. Puwede rin naman tayong pumunta sa sementeryo kahit na anong araw. Ang importante, naaalala natin ang mga masasayang alaala noong sila’y nabubuhay pa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.