Abante Tonite Interactive

Sarap ng handa

By
2,475

‘Di ba puwedeng bumaba ka lang sa tricycle tas pumasok sa bahay ko na suot eh normal na jeans at shirt? 

Isang buwan na ang nakakaraan, nag-show up ako sa isang pagtitipon… bertday kasi ng isang kilalang negos­yante kung saan ako naimbita. 50 years old na siya… golden boy na. Wala namang trapik papunta sa kanila. Kaya nag-decide akong mag-motor. Pagdating ko sa gate ng village nila, binigay ko ‘yung ID ko, tas tumuloy na ko papunta sa house nila… nahanap ko agad iyung bahay… malaki kasi. Maykaya pala ‘yung may bertday. Alam mong mga sikat ang imbitado… daming kotse eh… negosyante tingin ko ang karamihan. Naka-black joggers ako tas V-neck medium sized white jockey shirt. Mag-isa lang ako dahil Linggo ‘yun at ayoko namang obligahin ang staff ko na samahan ako on a family day… parang tama lang na nasa pa­milya na rin sila ‘pag Linggo. 

Nakarating ako sa lugar. Ang daming bisita… base sa dami ng kotse. 

Abante Hiring – IT dep

Sa pagpasok ko, mabait ‘yung guwardiya, sabi sa akin, “Kuya, sa baba po ang daan.” Hehe… ayos to… ‘di niya ko kilala. 

Dahil first time ko sa lugar, tinanong ko ‘yung guard. “Kuya, andu’n po ba si engineer?” Si engineer ‘yung negosyanteng may bertday… ang totoo, hindi ako pamil­yar sa itsura niya dahil minsan ko lang siyang nakita nu’ng nagdala siya ng imbitasyon sa akin… style para ‘pag tinuro niya, makilala ko agad at ‘di ako ma­pahiya. Sumagot ‘yung guwardiya, “Asa taas po siya pero pambisita lang po kasi ‘yun… pero ang utos po sa amin, pakainin lahat pati ang mga drivers.” 

Medyo ngumiti ako at sa loob-loob ko, mabait din naman pala sa mahirap itong pinuntahan ko… lahat kakain… ‘wag lang hahalubilo. Sinakyan ko ang eksena at bu­maba ako kung san ako tinuro. Maayos naman ‘yung kainan, mahabang lamesa… madaming kumakain… one to sawa.
May tumayo… nakilala ata ako. ‘Di ko namukhaan, sinenya­san ko na sakyan lang kasi enjoy naman ako. Umupo siya uli tas ako naman umupo sa sil­yang nakatalikod sa mga dumadaan para hindi nga mapansin.

Masarap ang pagkain… madami akong kinain kasi tinamaan ako ng gutom. Matapos nu’n, bumalik ako sa gate kung asan ‘yung guard tas nagpasalamat. Sabi ko, “Kuya, sarap ng pagkain… salamat po. Antayin ko na lang si boss lumabas.” 

Hindi naman niya kasi nakita na naka-motor lang ako dahil medyo sa malayo ako nakaparada. Umuwi na ko.

Kinabukasan, nag-text ‘yung may bertday sa akin, “Mayor inindyan mo bertday ko… ang daming nag-aabang sa’yo kagabi. Antay kami nang antay.”

Nag-text back na lang ako, “Dumating ako pare… dami ko ngang nakain,” at hindi na ko nagpaliwanag.