Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sarhento kinotongan 4 sabungero, kalaboso

0 322

Himas rehas ang isang pulis matapos kotongan ang apat na sabungero na kanilang nahuli kapalit ng hindi pagsampa ng kaso sa mga ito sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) kahapon sa Penablanca, Cagayan.

Kinilala ni IMEG Director Police Brig. Gen. Thomas Frias ang naarestong pulis na si Police Staff Sergeant Arphie Bryan Ligutan Tuliao, nakatalaga sa Penablanca Municipal Police Station (MPS).

Sa ulat ni Frias kay PNP chief General Debold Sinas, Biyernes ng umaga nang madakip ang suspek matapos ang entrapment operation ng IMEG Luzon Field Unit (LFU) sa V8 Gas Station sa Brgy. Camasi sa bayan ng Penablanca.

Nauna dito nadakip ang apat na sabungero sa raid sa isang tupadahan kamakalawa at kinausap umano ng suspek ang apat na magbigay ng tig-P40,000 para pawalan na sila at hindi na kasuhan.

Nagkaroon pa ng ilang negosayon si Tuliao sa apat hanggang sa bumaba ang hinihingi ng pulis sa P12,000 kada isa.

Lingid sa kaalaman ng pulis ay nagsumbong na sa IMEG LFU ang kaanak ng nahuling sabungero.

Huli sa akto ang suspek na pulis habang hawak ang P6,000 pera na ibinigay ng isa sa mga nagreklamo kaya agad itong pinosasan ng kanyang mga kabaro. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.