Abante Tonite Interactive

Sarhento napatay ng sariling anak sa NE

By
974

Nasawi ang isang 47-anyos na sundalo ng Philippine Army (PA) makaraang pagsasaksakin ng sariling anak sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalo noong Lunes ng hatinggabi sa Brgy. Lomboy, Talavera, Nueva Ecija

Sa ulat ni P/Supt. Joe Neil Rojo, nakilala ang nasawi na si Army MSgt. Jimmy dela Cruz Tactaquin na hindi na umabot nang buhay sa Dr. PJGMRMC, Cabanatuan City.

Lumitaw sa imbestigasyon na dakong alas-sais ng gabi ay lasing umano si Tactaquin at nagkaroon sila ng pagtatalo ng kabiyak nitong si Elna Vicencio Tactaquin, 43-anyos na teacher sa Talavera National High School.

Tinangka umanong payapain ni El Jether Vicencio Tactaquin, 20-­anyos, na college student na mayroon umanong psychiatric problem, ang nag-aaway na magulang.

Subalit ang anak umano ang napagbalingan ng galit ng lasing na sundalo at nasaktan ito.

Gayunman, gumanti ang anak at nakakuha ng gunting at pinag-uundayan ng saksak ang lasing na ama na bumagsak sa lupa at nawalan ng ulirat.

Mabilis na tumakas ang salarin habang dinala ang biktima sa Dr. PJGMRMC Talavera Extension Hospital bago nailipat sa Cabanatuan City at binawian ng buhay dakong alas-otso ng gabi.

Kaukulang kaso ng parricide ang inihahanda laban sa batang Tactaquin na nakakalaya pa sa ngayon.