Abante Tonite Interactive

Sarili nilunod sa drum Misis kinatay, saka nag-suicide

548

Napatay ng isang lalaki ang kanyang maybahay matapos umanong makarinig ng tinig na ng-uutos na patayin ang kanyang asawa sa bayan ng San Francisco, Quezon nitong Miyerkoles nang madaling-araw.

Namatay din naman umano ang suspek matapos itong magpakalunod sa loob ng kulungan sa presinto ng nasabing bayan.

Batay sa report ng San Francisco police, mga tama ng taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang agarang ikinasawi ng misis ng suspek na si Josephine Precilda Rosales, 44, tubong San Pascual, Masbate at residente ng Sitio Palata, Brgy. Butanguiad.

Sa report ng San Francisco police, alas-kuwatro ng madaling-araw nang mangyari ang krimen sa loob mismo ng kanilang bahay.

Napag-alaman na matagal nang may nervous breakdown ang suspek na si Candido Rosales, 56-anyos, at palagi umano nitong naririnig ang tinig na nag-uutos na patayin ang asawa kapag sinusumpong ng sakit.

Naaresto rin ito ng mga pulis alas-10:30 nang umaga at nabawi ang itak na ginamit nito.

Subalit dakong alas-12:30 ng tanghali nang matagpuan naman itong wala ng buhay sa loob ng custodial facility ng San Francisco police station matapos umano itong magpakamatay sa pamamagitan ng paglunod sa sarili sa tubig na nasa container sa loob ng banyo.

Binagabag umano ito ng kanyang konsensya sa pagkakapatay sa kanyang asawa kaya nagpakamatay.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa pangyayari. (Ronilo Dagos)