Abante Tonite Interactive

Sariling dibdib pinasabog ng pulis

405

Depresyon ang tini­tingnang anggulo ng Pasig Police kaugnay sa pagpapakamatay ng isang kabaro na nagbaril sa sarili gamit ang service firearm, Martes ng hapon sa loob ng bahay sa Barangay Rosario.

Ang ‘di na pinanga­lanang 53-anyos na pulis ay nakatalaga sa District Explosive and Ordinance Disposal and Canine Unit.

Sa nakalap na report,­ naganap ang insidente alas-4:30 Martes ng hapon sa tahanan nito sa Pasig City.

Napansin umano ng anak na babae ng biktima na nagsasalita ang kanyang ama na tila umiiyak at nanggigigil habang hawak ang kanyang 9mm pistol service firearm.

Lalo pang natakot ang anak nang marinig­ mula sa ama ang salitang “gusto ko ng mamatay”.

Nagawang yakapin at awatin ng anak ang ama subalit tila desidi­do umano ito sa balak kaya nagulat siya nang itutok ng ama ang baril sa dibdib saka kinalabit ang gatilyo na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.

Nagsasagawa ngayon­ ng imbestigasyon­ ang Pasig Police kung may kinalaman sa trabaho o pamilya ang pagpapakamatay ng biktima. (Vick Aquino)