Abante Tonite Interactive

Sariling puso tinarakan sa sobrang lungkot

By
235

Dahil sa matinding depresyon, winakasan ng 37-anyos na call center agent ang kanyang buhay sa pamamagitan nang pagtarak ng patalim sa kanyang puso sa Quezon City kamakalawa nang gabi.

Sa report kay P/Supt. Joel Villanueva, hepe ng Batasan Police Station, ang biktima ay natagpuang duguang nakahandusay sa silid nito sa Brgy. Matandang Balara, QC.

Natagpuan ito ng kanyang misis na si Katrina na siyang agarang nagsugod sa mister sa Diliman Doctors Hospital subalit idineklara itong dead-on-arrival sanhi ng tinamong malalim na saksak ng kutsilyo sa dibdib na tumusok sa kanyang puso.

Sa imbestigasyon ni P/Supt. Elmer Monsalve ng Criminal Investigation and Detection Unit, alas-9:00 nang gabi, narinig na lamang umano ni Katrina ang ma­lakas na sigaw ng kabiyak mula sa kanilang silid at nang puntahan ay nakita na lamang niya itong duguan nang nakabulagta sa kanilang kama.

Bago ang pagpapa­tiwakal ay nakita pa umano ni Katrina ang mister na lumabas sa silid at nagtungo sa kusina subalit hindi niya namalayan na may dala na itong kitchen knife pagbalik sa kuwarto.

Ayon kay Katrina, bago ang pagpapatiwakal ay dinala pa niya ito sa psychiatrist dahil dumaranas ito ng depresyon.