Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sarno susunod sa yapak ni Diaz

0 76

Nangingiti na ipnakita ni Vanessa Sarno na kaya na nitong sundan ang yapak ng iniidolo na si Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz sa pagwawagi sa ikalawang gintong medalya ng Pilipinas sa weighting competition kahapon sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi Sports Training and Competition Centre sa Hanoi, Vietnam

Itinala ng 18-anyos mula Tagbilaran City, Bohol ang bagong SEA Games record sa women’s 71kgs upang angkinin ang kanyang unang gintong medalya sa kada dalawang taong torneo at ibigay sa bansa ang ikalawang ginto sa weightlifting.

Unang itinala ni Sarno ang perfect lift sa snatch sa pagbuhat sa 97kgs sa first attempt, 101 sa second bago nito itinala ang bagong record sa snatch sa ikatlong attempt na 104kgs.

Bahagyang nakatikim ng hamon si Sarno sa nakatapat na si Siriyakorn Khaipandung ng Thailand na humabol dito sa binuhat na 103kgs.

Gayunman, bago pa man nito sinimulan isagawa ang perfect lift din sa Clean and Jerk ay siniguro na nito ang ginto sa pagbuhat ng 123kgs sa unang attempt bago itinala ang record breaking na 130kgs sa ikalawang attempt at ang mas mataas na record na 135kgs sa ikatlo at huling attempt.

Ang binuhat ni Sarno na snatch na 104kgs sa snatch, 135kgs sa clean and jerk at total lift na 239kgs ay pawang mga bagong record sa women’s 71kgs. Tinabunan nito ang dating record na 101kgs sa snatch, 123kgs sa clean and jerk at total lift na 218kgs.

Pumangalawa kay Sarno si Siriyakorn Khaipandung ng Thailand na may total lift na 223 kgs at ikatlo si Anggi Restu ng Indonesia na may 212kgs.

Samantala’y nagkasya lamang ang Tokyo Olympian na si Elreen Ann Ando sa pilak sa women’s 64kgs.

Nabigo itong iangat ang kanyang huling dalawang attempt sa clean and jerk upang tumapos lamang sa 223kgs, na anim na kilo na mababa sa itinala ng nagwagi mula Vietnam na 229kgs. (Lito Oredo)

Leave A Reply

Your email address will not be published.