Abante Tonite Interactive

Sasakyan ni male personality binangga sa gate ng bagong girl

0 797

DAHIL sa mga reklamong inilabas ng kanyang ka-live-in ay maraming kalansay sa baul na nahuhukay ngayon ang marami tungkol sa isang kilalang male personality.

Kung para sa iba ay malaking pasabog ang inilabas ng kanyang iniwang ka-live-in, mas marami ang hindi na nagulat, dahil matagal na raw na nakikipagrelasyon sa mas nakatatanda sa kanya pero mapera ang lalaking personalidad.

Kuwento ng isang source, “Nakagugulat pa ba naman ang revelation ng girl? E, ‘di ba, open-secret na naman ‘yun! Ngayon pa lang ba ginagawa nu’ng male personality ang ganyan?

“Magaling lang siyang magdala, mahusay lang siyang magtago ng mga ginagawa niya, pero matagal nang kuwento ‘yun!” sabi nito.

Mali raw ang deklarasyon ng nagwawarla niyang ka-live-in, hindi raw kasi namimili ng kakarelasyunin ang male personality, hindi kuwestiyon para sa kanya ang edad ng babae.

Isang impormante ang nagkuwento, “Sabi kasi ng girl, e, mas nakatatandang babae raw ang kinakarelasyon ng guy, pero may common denominator, puro mapera ang mga babaeng ‘yun!

“Mali ‘yun! Wala sa kanya kung mas matanda man ang babae o mas bata kesa sa kanya, ‘yung common denominator lang ang tama sa sinabi niya! Kailangang may datung ang girl!

“Bakit, cougar na bang maituturing ang isang female personality na naging girlfriend niya? Malaki lang ang bulto ng body ng girl, pero hindi pa naman siya matrona! O, ano ba ang mga kuwentong umiikot nu’n?

“‘Di ba, pinerahan lang daw niya ang girl dahil sa lahat ng mga sinasalihan niyang sports activities nu’n, e, ang girl ang gumagastos?

“Siya rin ‘yung guy na na-blind item nu’n na pabili nang pabili ng kung anu-ano sa girl, di ba? Naku, baka kaya nagkautang-utang ang girl na ‘yun, e, dahil sa matinding luho niya?” napapailing na tanong ng aming source.

Ang nagrereklamo rin palang naanakan ng male personality ang nagbangga ng sasakyan ng lalaki sa mismong gate ng bahay ng bagong girl na pinagkakaabalahan niya.

Pahabol ng source, “Wasak ang sasakyan, ang male personality ang nagpagawa, hindi na kasi sinagot ng munisipyo ang pagpapagawa dahil hindi naman kunektado sa trabaho niya ang dahilan ng aksidente!”

Ganown!

Vice bumabawi kung saan pinagdamutan

BONGGANG-bongga palagi ang mga isinusuot ni Vice Ganda sa kanyang mga shows. Lalo na kapag espesyal ang okasyon, magagarbong gown ang isinusuot ng sikat na komedyante-TV host, ‘yung halos hindi na makadikit sa kanya ang kahit sino dahil sa super-bonggang disenyo ng kanyang suot.

May pinanggagalingan pala ‘yun kung bakit. Nu’n palang nagtatrabaho pa lang siya bilang stand-up comedian na hindi kalakihan ang kanyang kinikita ay wala siyang pambili ng kanyang mga kagamitan.

Minsan nga ay pinauwi pa pala siya ng may-ari mismo ng comedy bar na pinagtatrabahuhan niya, pinagbihis siya, dahil hindi presentable ang kanyang suot.

Ganu’n katindi ang pinagdaanan ni Vice Ganda, gusto niyang makisabay sa kanyang mga kapwa stand-up comedians, pero wala naman siyang pambili ng isusuot niya.

May mga pagkakataon pang nanghihiram siya ng damit at sapatos sa kanyang mga kaibigan, kailangan niyang gawin ‘yun, para hindi naman siya mapag-iwanan ng kanyang mga kasamahan sa entablado.

At kung saan tayo pinagdamutan ay du’n tayo bumabawi kapag maganda-ganda na ang ating kinikita. Lahat ng wala tayo nu’n ang ating pinupunan, ‘yun ang tinututukan natin, tulad ngayon ni Vice Ganda na bilyonaryo nang maituturing.

Mga bonggang gown. Mga branded na sapatos. Mga may mamahaling etiketa ng t-shirts at pantalon. Lahat ng ‘yun ay pinagkakagastusan ni Vice dahil du’n siya pinagdamutan nu’ng hindi pa siya sikat at barya-barya pa lang ang kanyang kinikita.

At dapat lang niyang regaluhan ang kanyang sarili dahil sa pagpapagod at pagpupuyat niya. Siya ang hari-reyna ng kanyang bulsa, saanman niya dalhin ang kanyang salapi ay labas na tayo, basta maligaya siya.