Abante Tonite Interactive

Saso, 20 pa sa Siklab Sports Youth Awards

242

Paparangalan ang mga inaasahang magiging kinabukasan ng sports sa Pilipinas sa pagsasagawa ng 2nd Phoenix Petroleum Siklab Sports Youth Awards 2019 sa dara­ting na Lunes, Setyembre 2 sa Market! Market Activity Area sa BGC, Taguig City.

Mangunguna si kasalukuyang Girls PGA champion Yuka Saso, 18, ang 2018 Indonesia Asian Games gold medalist din, sa gabi ng parangal kasama sina triathlete Andrew Kim Remolino, basketball star Dave Ildefonso at 18 iba pang mula sa ibang sports bilang Siklab Young Heroes, kasama ang fencer na si Maxine Esteban at junior cycling champ Marc Ryan Lago.

Ang paddlers na sina Christine Mae Talledo at Lealyn Baligasa, na miyembro ng PH dragon boat team na nagwagi ng limang gold medal sa ICF World Dragonboat Championships, ang mga kabilang na kikilalanin sa event na mga suportado ng Phili­ppine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC).

Makakasama nila sa gala ng mga most promi­sing athlete na may edad 18-anyos pababa sina International Masters Kylen Mordido at Marvin Miciano ng chess, speed skater Julian Kyle Silverio, pole vaulter Hokett delos Santos at wrestler Cadel Evance Hualda.

Inorganisa ng PSC-POC Media Group sa pangunguna ni president Felipe ‘June’ M. Navarro III, katuwang ang Market! Market! at Ayala Malls bilang venue partners, ang ikalawang edisyon ng Siklab Sports Youth Awards ay nakatutok din sa Super Kids awardees sa pamumuno ni gymnast Karl Eldrew Yulo at IM Daniel Quizon.

Pararangalan din sina bowlers Norel Nuevo at Grace Gella, na nagwagi ng bronze medal sa junior world championships, kasama ang papaangat na skateboarder David Sebastian Chanco at taekwondo jin Ian Matthew Corton.

Sports Idols nga­yong taon sina track and field icon Elma Muros-Posadas at jujitsu world champion Margarita Ochoa habang sina PSC Chairman William Ramirez at Go For Gold head Jeremy Randell Go ang Godfathers of the Year. (Lito Oredo)